by Ruel Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Palalakasin o paiigtingin pa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagi...
by Ruel Orinday, PIA-Quezon
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Palalakasin o paiigtingin pa ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Beterinaryo at ng Provincial Rabies Prevention Control and Eradication Committee (PRPCEC) ang kampanya kontra rabies sa lalawigan ng Quezon.
Sa idinaos na pagpupulong ng PRPCEC sa lungsod ng Lucena kamakailan, iniulat ni Irene Santiago ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) na may walo katao ang namatay sa lalawigan ng Quezon noong nakarang taon. Samantala, dalawa naman ang namatay mula Enero hanggang Marso 10, 2019 sa lalawigan ng Quezon kung saan ang isa rito ay taga Catanauan, Quezon habang ang isa naman ay taga Infanta, Quezon.
Dahil dito, sinabi ni Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla na mas palalakasin pa ngayon ng kanilang tanggapan at Provincial Rabies Prevention Control and Eradication Committee ang kampanya kontra rabies sa pamamagitan ng pagsasagawa ng anti-rabies vaccination at veterinary medical mission sa mga bayan sa lalawigan ng Quezon.
Ang programa ay ipinatutupad kaugnay din sa pagdiriwang ng “Rabies Awareness Month” ngayong buwan ng Marso kung saan ang tema ng pagdiriwang ay “Makiisa sa barangayan kontra rabies, maging responsableng pet owner.”
Samantala, ipinapayo rin ni Dr. Caguicla sa mga taong nakagat ng aso na hugasan agad sa pamamagitan ng malinis na tubig at sabon ang parte ng katawan na nakagat ng aso o pusa.
“Ang mga taong nakagat ng aso o pusa ay kailangan ding pumunta sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center upang maagapan o maturukan ng gamot kontra rabies,” ayon kay Caguicla.
Pinaaalalahanan din ng tanggapan ng panlalawigang beterinaryo ang mga taong may alagang aso o pusa na maging responsable sa kanilang mga alaga bilang pakikiisa sa kampanya ng pamahalaang panlalawigan laban sa rabies.