Upang pag-usapan ang mga programa at proyektong nais ipatupad ngayong taong 2019 para sa mga mamamayang bahagi ng natatanging sektor sa lun...
Upang pag-usapan ang mga programa at proyektong nais ipatupad
ngayong taong 2019 para sa mga mamamayang bahagi ng natatanging sektor sa
lungsod, nagsagawa ang Lucena City Council on Disability Affairs ng kanilang
unang kwarter na papupulong.
Pinangunahan ito ni Konsehal Sunshine Abcede-Llaga, chairperson ng
Sangguniang Panlungsod Committee on Social Welfare Services at Vice-chairperson
ng nasabing konseho.
Dumalo naman dito ang ilang mga kawani ng iba’t ibang tanggapan sa
lokal na pamahalaan gayundin ang mga representante mula sa mga theraphy
centers, eskwelahang tumatanggap ng PWDs, national agencies, non-government
organizations at iba pa.
Sa pag-uumpisa ng isinagawang pagpupulong, inilahad ni Persons
with Disability Affairs Office Head Cristy Fernandez ang ilan sa mga
PWD-related activities na napagtagumpayan noong nakaraang taon hanggang sa
unang dalawang buwan ngayong taon.
Ipinakita dito ang ilan sa mga aktibidad tulad ng pagkakaloob ng
birthday cash gift sa mga natatanging sektor na nagdiwang ng kanilang kaarawan,
pakikiisa sa ginanap kamakailan na Angels Walk for autism sa pangunguna ng
isang paaralan sa lungsod at ang pagkakaloob sa ilang mga PWDs sa iba’t ibang
barangay ng mga wheelchairs at ilang assistive devices mula sa pamahalaang
panlungsod, ilang personalidad at institusyon.
Kasunod nito ay ang pagpipresenta sa isa sa proposed resolution ng
konseho na naglalayong magkaroon ng isang PWD-friendly design na City evacuation
center sa barangay Dalahican.
Inilahad din sa konseho ang mga naitalang programa, proyekto at
aktibidad na nais isagawa mula sa mga iminungkahi ng iba’t ibang komitiba sa
ilalim ng LCCDA.
Napagkasunduan na higit na makakabuti kung uumpisahan muna sa pag-aayos
ng database na naglalaman ng mga impormasyon ng mga natatanging sektor. Ito ay
upang maging organisado ang lahat lalo’t higit para sa maayos na pagdaraos ng
mga aktibidad at pagkakaloob ng mga programa.
Magiging katulong din ang konseho sa pagpapakalat ng awareness
para sa mga PWDs ng mga nakalatag ng programa ng pamahalaan para sa kanila, mga
benepisyong kanilang maaaring matanggap gayundin ang mga karapatan nila bilang
isang indibidwal.
Ipinamahagi rin ang sipi ng PWD code na naglalaman ng mga naturang
usapin na maaaring maging batayan ng mga karapatan ng mga natatanging sektor.
Ipinagbigay alam din ang ilang mga national agencies at
institutions na maaring maging katulong ng LCCDA sa pagtulong sa mga PWDs tulad
ng livelihood and entrepreneurship trainings, pagtuturo ng basic computer
operations sa mga visually impaired, self-development workshops at iba pa.
Natapos
ng matagumpay ang nasabing pagpupulong at inaasahan ang tuloy-tuloy na
pakikiisa at pakikibahagi ng lahat para sa mga isasagawang aktibidad. (PIO-Lucena/M.A.Minor)