Sa kasalukuyan ay maraming lugar sa Pilipinas ang nakakaranas ng kakulangan sa suplay ng tubig na nagdudulot ng kahirapan sa kanilang pang-a...
Hindi maitatangging ang pangyayaring ito ay isa sa maituturing na sigalot o problema na ikinakabahala ng nakararami lalo’t higit sa panahon ngayon na may nakaambang banta ng El Niño o tagtuyot.
Bagamat sa lungsod ng Lucena ay hindi gaanong nadarama ang naturang problema ngunit, mas mainam pa rin kung ang lahat ay mayroong kaalaman pagdating sa paggamit at pag-iipon ng tubig.
Sa naging pahayag ni Konsehal Anacleto Alcala III, chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Environment, hinikayat nito ang publiko na maging matalino pagdating sa paggamit ng tubig.
Para aniya sa mga kabahayan na mayroong sariling konseksyon ng tubig, tiyaking makapag-impok ng tubig nang sagayun ay mayroong magagamit sakaling biglang mawalan ng suplay.
Gayundin ay siguraduhing nakasara ng maayos ang gripo at kumpunihin ang mga tumatagas na tubo upang makatipid at makapaglimita ng tubig na nasasayang dahil hindi nagagamit ng tama.
Ayon pa sa konsehal, maaari ring magi-ipon ng tubig ulan na magagamit sa ilang mga Gawain sa bahay.
Dagdag pa nito, ang pagkakaroon ng kaalaman at impormasyon hinggil sa mga nakatakdang water interruption ay makatutulong sa bawat tahanan upang makapaghanda ng naaayon sa sitwasyon.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga gawaing kinakailangang isaalang-alang at isagawa ng mga mamamayan bilang paghahanda sa anumang pangyayari na dumating sa lungsod.
Ngunit, higit sa lahat, ang walang hanggan at buong pusong pagmamahal at pagmamalasakit sa Inang Kalikasan ang nararapat na mangibabaw sa kaisipan ng bawat mamamayan. (PIO-Lucena/M.A.Minor)