Sa isinagawang pribilehiyong pananalita ni Konsehal Anacleto Alcala III sa regular na sesyon kamakailan, inilahad nito ang mga problemang na...
Bukod aniya sa pagtaas ng presyo ng agricultural input at pagbaba naman ng presyo ng mga niyog, isa rin ang labis na tagtuyot o El Niño at labis na taglamig o La Niña sa nakapagbibigay dagok sa mga agricultural farmers.
Ang El Niño ay epekto ng labis na mainit na temperatura sa pacific region samantalang ang La Niña naman ay epekto ng labis na malamig na temperature sa karagatan, na pawang nagdudulot ng malaking problema at paghihirap para sa mga magsasaka.
Ayon pa sa konsehal, kamakailan lamang ay nagbigay ng advisory ang PAGASA hinggil sa nakaambang banta ng El Niño sa bansa gayundin ang nararanasan ng epekto ng naturang phenomena sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito, sa pagdala ng konsehal sa naturang usapin ay nais niyang bigyan ng pansin ng mga miyembro ng konseho ang mga posibleng maidulot at malaking epekto nito pagdating sa sektor ng agrikultura at maging sa food security sa lungsod.
Base naman sa tala na inihayag ni Alcala, mula sa report na inilahad ng disaster risk reduction and management operations center ng department of agriculture, umabot na sa mahigit sa apat na daang milyong piso ang pinsalang naidulot ng labis na tag-init sa bansa.
Apektado rin aniya ang produksyon ng palay at mais partikular na sa bahagi ng mimaropa, zamboanga peninsula, northern Mindanao, davao region, soccsksargen at bangsamoro autonomous region in muslim Mindanao.
Kung patuloy aniyang mararanasan ng bansa ang nabanggit na sigalot, posibleng maapektuhan rin ang mga magsasakang Lucenahin na isa sa iniiwasang mangyari ng lokala na pamahalaan.
Umaasa naman nag konsehal na maging daan aniya ang kanyang pribilehiyong pananalita upang mapag-usapan ng mga konsehales, miyembro ng komitiba at ilang mga tanggapan na may kinalaman sa agrikultura, ang mga posibleng hakbangin o aktibidad na makakatulong upang mapaghandaan ang posibleng pagkakaroon ng El Niño man o La Niña. (PIO-Lucena/M.A.Minor)