Upang maihanda sa mas malaking panganib at epekto ng El Niño ang lalawigan, minabuti ni Quezon Governor David C. Suarez na magdeklara ...
Upang maihanda sa mas malaking panganib at epekto ng El Niño ang lalawigan, minabuti ni Quezon Governor David C. Suarez na magdeklara ng State of Calamity ang Lalawigan ng Quezon bilang tugon sa mga pangangailangang pang-agrikultura ng mga magasasaka sa probinsya.
Ayon sa datos, kasalukuyang aabot sa 1.3 bilyong piso na ang naitatalang agricultural damage ng bansa dahil sa El Niño. Samanatalang tinatayang nasa higit 140 milyon piso ang halaga ng pinsala nito sa sektor ng agrikultura sa Lalawigan ng Quezon.
Sa isinagawang Farmers and Annual Livelihood and Induction of New Officers ng mga magsasaka sa Brgy. Ayusan I, bayan ng Tiaong nitong ika-20 ng Marso, ibinahagi ng ama ng lalawigan ang kahalagahan ng mabilis at maagang paghahanda para sa mga epekto na maaari pang maidulot ng El Niño lalo na sa produksyon ng palay, mais at iba pang pananim sa lalawigan. Isa sa mga solusyon dito ng pamahalaang panlalawigan ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga agricultural equipment tulad ng water pump at irrigation system.
Dahil sa nabanggit na suliranin, nagpatawag ng isang special session si Gob. Suarez noong ika-18 ng Marso kasama ang lupon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council upang talakayin ang kasalukuyang epekto nito sa lalawigan.
“Kaya ako nagpatawag ng special session para agad-agad magamit na ng probinsya ang calamity fund para makabili ng mga equipment at maituon na sa mga magsasaka at magniniyog. Maganda yung parating pa lang pinaghahandaan na natin.” ayon kay Gob. Suarez.
Ipinaabot naman ng gobernador ang kanyang suporta sa mga magsasaka ng Tiaong sa produksyon ng mga organic fertilizer sa kanilang bayan na inaasahang iaangkat sa probinsya bilang karagdagang kita para sa kanila. (Quezon – PIO)