Upang masiguro ang kaayusan at pagiging organisado ng isasagawang pagsasara ng ilang mga kalsada sa lungsod para bigyang daang ang itatayon...
Upang masiguro ang kaayusan at pagiging organisado ng isasagawang pagsasara ng ilang mga kalsada sa lungsod para bigyang daang ang itatayong mga tiangge at mga gaganaping aktibidades na parte ng pagdiriwang ng kapiyestahan ng lungsod, ang Pasayahan sa Lucena 2019 sa darating na Mayo, idinaos kamakailan ang isang pagpupulong para pag-usapan ang naturang mga usapin.
Sa pangununa ni Konsehal Vic Paulo, ang tumatayong Chairperson ng Sangguniang Panlungsod Committee on Peace and Order ay binuksan ang nasabing meeting upang talakayin ang iba’t ibang hanay na kaakibat ng Gawain.
Dumalo sa pagpupulong ang ilang mga miyembro na bumubuo ng komitibang humahawak sa mga aktibidades sa Pasayahan 2019 sa pangunguna ng Chairman nito na si City Tourism Officer Arween Flores.
Gayundin ang ilang mga namumuno sa ilang opisina at ahensya sa lokal na pamahalaan, mga kapitan ng mga barangay sa lungsod at mga representante ng mga tanggapan na nakakatulong ng pamahalaang panlungsod sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan tulad ng Lucena PNP, Traffic Enforcement Section, BFP Lucena, Lucena Disaster Risk Reduction and Management Office at iba pa.
Taunang pinagdiriwang ang Pasayahan sa Lucena tuwing buwan ng Mayo na mayroong isang linggong aktibidades na nakalatag para sa mga Lucenahin, habang ang operasyon naman ng tiangge ay nag-uumpisa tuwing ika-isa ng buwan ng Mayoo hanggang ika-isa ng buwan ng Hunyo.
Napag-usapan sa meeting ang ilan sa mga usaping palagiang binibigyang pansin tulad ng sitwasyon pagdating sa trapiko.
Sa naging pahayag ni Traffic Enforcement Section Head Jaime De Mesa, sisiguraduhin at gagawin aniya nila ang kanilang makakaya na naayon sa kanilang responsibilidad.
Bukod din kasi sa pagsasaayos ng trapiko, gampanin din ng naturang tanggapan na masigurong walang magtatayo o pupwesto ng kanilang paninda sa mga sidewalks sa lungsod, na magsisilbing daanan ng publiko gayundin ang istriktong pagtupad sa oras ng mga negosyanteng magtatayo ng tinatawag na ‘kabit-kalas’ base sa kanilang nakatakdang oras.
Katulong din sa pagsasaayos ng peace and order ang kapulisan sa pamumuno ni P/Supt. Reydante Ariza na nakahandang tumulong sa komitibang nagsisiguro ng kaayusan at kapayapaan.
Kaisa rin dito ang BFP Lucena at LDRRMO na palagiang naka-stand by sa pagpapanatili naman ng kaligtasan lalo’t higit kung mayroon mang mga di inaasahang sakuna o pangyay ari na dumating.
Bukod sa kaayusan at kaligtasan, hiniling rin naman ni Konsehal Paulo ang pagkakaroon ng kalinisan sa lahat ng mga tiangge booths na itatayo ng mga negosyante at mga aktibidades para sa Pasayahan.
Sa huli ay natapos ng matagumpay ang pagpupulong at inaasahan ang pagtutulungan at pagkakaisa ng lahat para sa maayos na pagsasakatuparan ng mga nasabing Gawain. (PIO-Lucena/M.A.Minor)