Sa kagustuhang maging maayos ang kalusugan ng mga naninirahan sa Brgy. Mayao Castillo, isang medical mission ang isinagawa ng pamahalaang pa...
Pinangunahan ni City Health Officer Dra. Jocelyn Chua ang naturang aktibidad kasama ang ilang mga tauhan mula sa City Health Office.
Maging ang kapitan ng barangay na si Virgilio Garcia at ang mga kagawad dito ay nakibahagi rin sa naturang aktibidad.
Nagkaloob ng libreng bunot sa ngipin, konsultasyon sa mga matatanda at bata gayundin ang pagbibigay sa mga ito ng gamut.
Nagkaroon rin dito ng pagbabakuna sa mga kabataan laban sa tigdas at sa pulmonya para naman sa mga matatanda.
At upang alamin ang kalalagayan ngmga residente sa lugar, personal na tinungo ito ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala.
Nakasama ng alkalde dito si Konsehal Vic Paulo at ang anak ni Konsehal William Noche na si Engr. Wilbert McKinley Noche at Amer Lacerna na kapwa kumakandidato sa pagka konsehal ng lungsod.
Sa naging daloy ng palatuntunan dito, nagbigay ng kanilang mensahe sina Konsehal Vic Paulo, Amer Lacerna at Engr. Wilbert McKinley Noche na kung saan ay sinabi ng mga ito na mapalad ang mga residente sa Brgy. Mayao Castillo at nagkaroon ng ganitong uri ng medical mission.
Samantala, sa pananalita naman ni Mayor Dondon Alcala, binigyang pasasalamat nito si Dra. Joy Chua at ang lahat ng mga tauhan ng CHO dahil sa pagsasagawa ng ganitong uri ng aktibidad.
Dagdag pa ng alkalde, mas minabuti aniyang dalhin ng mga ito ang serbisyo ng City Health Office sa nabanggit na lugar upang sa ganun ay hindi na mahirapan pa ang mga residente dito na magtungo sa tanggapan ng city health na nasa Lucena City Government Complex sa bahagi ng Brgy. Mayao Kanluran.
Isa rin sa hinahangad ni Mayor Alcala sa pagkakaroon ng ganitong uri ng medical mission ay ang mabigyan nang pagkakataon ang mga mamamayan ng lungsod na makapagatingin sa mga espesyalistang doctor at alamin ang katatayuan ng kanilang kalusugan.
At matapos na makapagbigay ng kaniyang mensahe, isinunod na dito ang pamamahagi ng mga freebies para sa mga dumalo dito.
Ang isinagawang medical mission ng pamahalaang panlungsod sa nabanggit na barangay ay naisakatuparan dahilan na rin sa pagnanais ni Mayor Dondon Alcala na maihatid sa mga ito ng personal ang serbisyong ipinagkakaloob sa City Health Office at upang matiyak na ang mga ito ay maging maayos ang kalalagayan sa buhay. (PIO Lucena/ R. Lim)