Taos-pusong tinanggap ni Konsehala Sunshine Abcede-Llaga ang sertipiko ng partispasyon pagkaraan nitong makapagtapos sa three module program...
Matatandaang kabilang ang konsehala sa mga piniling women leaders mula sa buong bansa na lumahok sa nasabing programa.
Nakiisa naman sa aktibidad ang pangalawang pangulo ng bansa na si Vice President Leni Robredo na masayang nakasama ang mga kapwa nya kababaihang namamala sa bawat komunidad.
Sa naging pahayag nito, kailangan aniya ngayon ng bansa ng mga lider na maituturing na inclusive, maaasahan, may kakayahan at handang dumamay sa mga mamamayan upang ibangon at bigyan ng inspirasyon ang mga ito tungo sa kaunlaran.
Binati rin ni VP Robredo ang mga women leaders na nagsipagtapos at aniya nawa ang lahat ng mga natutunan ng mga ito sa programa ay kani-kanilang dalhin at magamit sa mas pagpapalakas at pagpapaunlad ng kani-kanilang pinamamahalaang komunidad.
Layunin ng nasabing programa at pagpaparangal na kilalanin ang mga women leaders sa lokal na pamahalaan na nagpapamalas at nagpapakita ng mabisa at etikal na pamumuno katulad ng prinsipyong mayroon si Lorenzo.
Matatandaang taong 2016 nang ilunsad ng University of Santo Tomas at Kaya Natin Movement ang kauna-unahang Sonia R. Lorenzo Award for Women in Leadership and Good Governance.
Ito ay bilang pag-alala sa unang taong anibersaryo ng pagkamatay ni Sonia R. Lorenzo, isa sa mga babaeng mamumuno at dating alkalde ng San Isidro, Nueva Ecija na nakilala dahil sa kanyang kapuri-puri at etikal na pamumuno.
Napaunlad ni Lorenzo ang kaniyang bayan mula sa pagiging impoverished fifth class municipality hanggang sa maging second class town ito.
Kilala din ito sa kanyang ipinakitang dedikasyon sa pakikipaglaban sa katiwalian nang ibalik nito ang P10 million appropriation ng PDAF mula sa isang senador nang mapansin nitong hindi regular ang isinasagawang transaksyon. (PIO-Lucena/M.A.Minor)