By M.A. Minor LUCENA CITY - Nakatakdang isagawa sa darating na buwan ng Marso, ang isang special election para sa Sangguniang Kabataan s...
LUCENA CITY - Nakatakdang isagawa sa darating na buwan ng Marso, ang isang special election para sa Sangguniang Kabataan sa lungsod.
Sa naging panayam ng TV12 sa Director ng City Department of Interior and Local Government na si Engineer Danilo Nobleza, ang pagsasagawa aniya ng naturang halalan ay para mapunuan ang mga bakanteng posisyon ng mga SK Kagawad sa ilang barangay sa Lucena.
Ang gawaing ito aniya ay alinsunod sa Section 19 ng Republic Act 10742 o ang SK Reform Act of 2015 at DILG Memorandum Circular No. 2019-04.
Kabilang naman sa mga barangay na mayroong bakanteng posisyon ng SK Kagawad ay ang Brgy. Mayao Castillo na may lima, Brgy. Silangang Mayao na may dalawa at parehong tig-isang SK kagawad mula sa Brgy. 6 at Brgy. Talao-talao.
Isang buong hanay naman o pitong SK Kagawad ang kulang sa Brgy. Mayao Parada.
Inilahad din nito ang mga nakatakdang schedule ng mga special election.
Dagdag pa ni Nobleza, sa paghahanda sa nasabing special election, tatawagin ng lahat ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ang lahat ng mga kabataan sa kani-kanilang barangay na may edad labing walo hanggang dalawampu’t apat na taon na siyang dadalo sa tinatawag na Katipunan ng kabataan assembly kung saan isasagawa ang election.
Sa pagtitipon ng mga kabataan ay magnonomina sila ng mga kapwa nila kabataan na sa tingin nila ay may potensiyal na maging lider.
Titiyakin naman ng mga Board of Election Supervisors kabilang ang City DILG, ilang civil societies at kawani ng COMELEC kung kwalipikado ba ang mga nanomina base sa edad na kinakailangan.
Matapos aniya ito ay isasagawa na ang botohan at sa mismong araw rin na ito idedeklara ang mga nanalong SK Kagawad matapos ang gaganaping bilangan.
Ayon pa kay Director Nobleza, tulad din aniya ng nakaraang SK election, matapos Manalo ay nakatakdang sumailalim ang mga bagong halal sa isang SK mandatory training na kinakailangan nila bago manumpa sa kani-kanilang mga posisyon. (PIO-Lucena/M.A.Minor)