Editorial Binalaan ng COMELEC ang mga kandidato at mga supporters nila laban sa iligal na pangangampanya ngayong May 13, 2019 election...
Editorial
Binalaan ng COMELEC ang mga kandidato at mga supporters nila laban sa iligal na pangangampanya ngayong May 13, 2019 elections.
Ang kampanya para sa mga kandidatong tatakbo sa pagka-senador ay noon pang Pebrero 12, para sa mga kandidato sa pambansang puwesto—sa senador at mga party-list. Habang ang panahon ng kampanya para sa mga lokal na kandidato, katulad ng gobernador, alkalde, at mga kongresista ay nagsisimula na ngayong Marso 29.
Sa panahon ng pangangampanya ipinagbabawal ang pagbibigay donasyon pera man o ‘in kind’ sa mga religious at civic organizations. Bawal ang paggamit o pagtatalaga ng mga ‘special policemen’ o ‘confidential agents’.
Hindi rin pinapayagan ang pagtanggap ng kandidato ng mga serbisyo mula sa pribadong tao o institusyon nang libre katulad ng transportasyon, akomodasyon, inumin at pagkain o anumang serbisyong matutumbasan ng pera. Kinakailangang ideklara ito bilang ‘campaign donation at expenditure’. Pinapayagan ang pagpapalabas ng ‘election ads’ o mga patalastas sa TV, radio at dyaryo ngunit bawal ang mga dokumentaryo o pelikula na magku-kuwento ng talambuhay ng isang kandidato. Ang mga poster ng kandidato na susuway sa tamang sukat ay babaklasin. Ang mga campaign poster para sa party-list groups ay kailangang may sukat na 12ft x 16ft; 4ft x 6ft naman para sa independent candidate at 2ft x 3ft para sa mga individual poster.
Tila natutulog sa pansitan ang COMELEC, noong isang taon pa po nagsimulang mangampanya yang mga pulitikong nag-aambisyon sa kapangyarihan, lantaran, pero disimulado. Alam na ng lahat ang kanilang mga strategies.
Sana lang, ipakita ng COMELEC ang tunay na pagpapatupad ng batas - sa gawa at hindi sa ngawa. Gawin nito ang mandato sa panahon ng eleksyon, ipatupad ang batas. Kung ano ang bawal, BAWAL.
Kapag seryoso ito at ipanakita o ginamit ang kamay na bakal sa mga pasaway na kandidato, eh di lilinis ang paligid, at sila na mismo ang magbaklas sa kanilang mga campaign materials na ikinabit o idinikit sa mga pader, poste, bakod at mga kawawang mga puno.
Sa mga kandidato sumunod kayo sa batas, ipakita niyo sa mga tao na karapat-dapat kayo iboto.