Kasama sina Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, House Minority Floor Leader Danilo Suarez, San Miguel Corp...
Kasama sina Department of Public Works and Highways Secretary Mark Villar, House Minority Floor Leader Danilo Suarez, San Miguel Corporation President and Chief Operations Officer Ramon Ang at Mayor Ramon Preza, pinasinayaan ni Gob. David C. Suarez ang isinagawang groundbreaking ng isang bagong district hospital nitong ika-26 ng Marso sa Brgy. Lalig bayan ng Tiaong.
Sa mga nakalipas ng mensahe ni Gob. Suarez, ibinahagi niya na isa sa malaking suliranin ng lalawigan na kailangang tutukan at bigyang-solusyon ay ang pagkakaroon ng mga lehitimong ospital sa bawat bayan.
Upang mas mapagtibay ang sektor ng kalusugan para sa mga mamamayan ng Quezon at matugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga kalalawigan, minabuti ni Gob. Suarez na ipatayo ang Tiaong District Hospital.
Ang nasabing ospital ang magsisilbing sagot upang mabawasan ang dumaraming bilang ng mga pasyente sa mga karatig na ospital tulad ng Candelaria District Hospital at Quezon Medical Center.
Layunin rin ng pamahalaang panlalawigan na maging daan ang bagong ospital para sa ikabubuti ng mga pasyenteng mula sa bayan ng Dolores at San Antonio na nagtutungo pa sa karatig-bayan tulad ng Laguna at Batangas.
Ayon kay Gob. Suarez, bilang isang ama ng lalawigan at Tiaongin isang malaking karangalan ang makapagpatupad ng isang proyekto na siguradong pakikinabangan ng kanyang mga kababayan.
“Isang karangalan sa Lalawigan ng Quezon ang makatulong sa bayan ng Tiaong at pinagmamalaki po ng gobernador ninyo ngayon na bilang Tiaongin din nakakatulong po ako sa kaunlaran ng ating bayan.” ani Gob. Suarez.
Bilang suporta sa proyekto, personal na hiniling ni Cong. Danilo Suarez kay SMC President/COO Ramon Ang ang pagkakaloob ng limang dialysis machine para sa Tiaong District Hospital na agad naman nitong sinang-ayunan.
Maliban sa nasabing ospital, kasalukuyan na ring isinasagawa ang Tiaong Arena sa Brgy. Lumingon na sinimulan noong ika-23 ng Hunyo taong 2018. Sinimulan na rin sa parehong araw ang konstruksyon ng South Luzon Expressway Toll Road 4 na matatagpuan naman sa Brgy. Lalig. (Quezon – PIO)