by Ruel Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Nakatakdang tulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Quezon at ng mg...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Nakatakdang tulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Quezon at ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Quezon gayundin ng ilang mga pribadong tanggapan ang may 2,077 mag-aaral sa pamamagitan ng Special Program for Employment of Students (SPES) ngayong taong 2019.
Ayon kay Genecille Aguirre, focal person for employment ng DOLE-Quezon, layunin ng programa na matulungan ang mga mahihirap subalit matatalinong mag-aaral na makatapos ng kanilang pag-aaral sa pamamagitan ng pansamantalang pagtatrabaho sa mga lokal na pamahalaan at maging sa mga pribadong tanggapan .
“Ang mga aplikante para sa SPES program na ito ay dadaan sa tamang proseso kagaya ng eksaminasyon, pagsusumite ng mga kailangang papeles o dokumento sa tanggapan ng public employment service office (PESO) kung saan ang PESO manager sa isang bayan ang magpoproseso ng mga papeles,” sabi pa ni Aguirre
Kabilang sa mga lokal na pamahalaan na tutulong sa DOLE- Quezon sa pagpapatupad ng programa ay ang pamahalaang panlalawigan ng Quezon gayundin ang mga lokal na pamahalaan ng Atimonan, Calauag, Candelaria, Gumaca, Infanta, Lopez, Mauban, Mulanay, Pagbilao, Real, Tagkawayan, Guinayangan, Polillo gayundin ang McDonald’s Villa Escudero sa Tiaong at Aceba Science and Technology Institute, Inc.
Ayon sa DOLE-Quezon, 60 porsyento ng sweldo ng mga mag-aaral ay manggagaling sa mga nasabing employer o mga lokal na pamahalaan samantalang ang 40 porsyento ay manggagaling sa DOLE.
Ang iba pang bayan o lokal na pamahalaan na magiging katuwang ng DOLE sa pagpapatupad ng programa ay ang mga bayan ng Buenavista, Burdeos, Macalelon, Padre Burgos, Panukulan, Pitogo, Tayabas City at Unisan, Quezon kung saan 50 porsyento ng sweldo ng mga mag-aaral ay manggagaling sa mga employer o lokal na pamahalaan at ang 50 porsyento ay magmumula sa DOLE.
Tutulong din ang mga lokal na pamahalaan ng Agdangan, Alabat, Patnanungan at Sampaloc, Quezon kung saan ang 40 porsyento ng sweldo ng mga mag-aaral ay magmumula sa mga lokal na pamahalaan at ang 60 porsyento ay manggagaling naman sa DOLE. .
Kabilang sa mga papasukang trabaho ng mga mag-aaral sa mga lokal na pamahalaan ay clerical position, service crew naman sa mga restaurant at iba pang posisyon sa mga pribadong tanggapan.