Pinangunahan ng tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office ang isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang...
Pinangunahan ng tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office ang isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes kung saan nagbigay-ulat ang kanilang hepe na si G. Manuel Beloso ukol sa mga aktibidad at programa ng kanilang tanggapan.
Kabilang dito ay ang monitoring ng mga itinanim na punongkahoy, fruit bearing trees at bamboo seedlings sa iba’t-ibang bahagi ng lalawigan. Patuloy rin ang pagpapatupad ng PG-ENRO ng Solid Waste Management program na ipinatutupad sa pamahalaang panlalawigan.
Bilang pasasalamat sa pakikiisa sa Solid Waste Management program, isa-isang kinilala ng PG-ENRO ang mga SWM focal person ng mga opisina na nagpakita ng mahusay na pagpapatupad ng solid waste management sa kani-kanilang tanggapan.
Kaugnay ng pangangalaga sa kalikasan, binigyang-diin naman ni
Provincial Administrator Roberto Gajo ang mahalagang papel na ginagampanan ng PG-ENRO para sa kaayusan ng kapaligiran sa lalawigan.
Samantala, hindi rin maitatanggi ang malaking epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura sa lalawigan. Ayon kay PA Gajo, inihayag ni Quezon Governor David C. Suarez sa isang panayam na umabot na sa 211 milyong piso ang halaga ng actual damage na naidulot nito sa probinsya.
Dahil dito, nagdeklara ang pamahalaang panlalawigan ng State of Calamity noong buwan ng Marso upang agarang masolusyonan ang mga suliranin na dala ng El Niño para sa mga magsasaka.
Dagdag ni Gajo, kasalukuyan nang nasa proseso ng purchasing ng mga equipment at machinery para sa mga small irrigation system at rehabilitation phase ang pamahalaang panlalawigan.
Aktibo ring nakikipagtulungan ang tanggapan ng Provincial Veterinary Office para sa pagbibigay ng ayuda sa mga poultry at livestock raiser sa lalawigan na higit ring naapektuhan ng matinding tag-init. (Quezon-PIO)