by Ruel Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Hinikayat ni Agricultural Training Institute (ATI)-4A Center Director Marite...
by Ruel Orinday, PIA-Quezon
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Hinikayat ni Agricultural Training Institute (ATI)-4A Center Director Marites Piamonte Cosico ang mga mamamahayag ng Quezon, Cavite, Laguna, Batangas at Rizal na tulungan silang maipabatid sa publiko ang kanilang mga programa at gawain kasama na ang mga ginagawa nilang pagsasanay sa mga magsasaka.
Sa idinaos na media conference sa tanggapan ng ATI-4A sa Trece Martires City kamakailan , sinabi ni Cosico na malaki ang maitututulong ng mga mamamahayag sa pagpapabatid ng mga programa ng ATI-4 lalo na ang mga isinagawa at isasasagawang pagsasanay sa mga magsasaka na naglalayong maitaaas ang kita o pangkabuhayang antas ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
. “Napakahalaga ng papel ng media sa pagkakaroon ng transparency at mabilis na paglalahad ng impormasyon sa publiko,” sabi pa ni Cosico.
Ang media conference ay tinawag na “CONNECT Engaging ATI IV-A Programs and Services through Media Linkages” na dinaluhan ng mga information officer ng Philippine Information Agency – CALABARZON at mga pribadong mamamahayag mula sa mga himpilan ng radyo at lokal na pahayagan.
Sinabi din ni Cosico na sa pagkakaroon ng makabagong teknolohiya, kailangan din nilang i-upgrade ang kanilang mga serbisyo.
“Isa itong dahilan kung bakit ang aming tanggapan ay kailangan ding mag upgrade ng aming serbisyo publiko para mas madali ang pakikipag ugnayan sa aming kliyente.” , saad pa ng opisyal.
Samantala, kabilang sa mga paraan ng pagpapabatid ng mga impormasyon sa mga magsasaka na ginawa at patuloy na ginagawa ng ATI-4A ay ang school on air, isang training program kung saan ang mga magsasaka ay nakikinig sa radyo ng mga makabagong pamamaraan ng pagtatanim o organic farming kagaya ng pagpaparami ng mais at pag-aalaga ng mga baboy at ipa pa upang tumaaas ang kanilang kita. Tinatayang aabot sa 3,000 magsasaka ang kanilang natulungan sa programang School-on –Air.
Samantala, sa pamamagitan ng internet, ang ATI-4A ay nakapag-organize na ng 56 na farmers information technology services sa pakikiisa ng mga lokal na pamahalaan, mga kolehiyo at unibersidad na siyang nakatulong upang mapabilis ang pagpapabatid ng mga impormasyon. ()