Pamayanang ligtas sa sakit dulot ng basura at kapaligirang malinis laban sa mga di kanais-nais na dumi mula sa iba’t ibang kabahayan. It...
Pamayanang ligtas
sa sakit dulot ng basura at kapaligirang malinis laban sa mga di kanais-nais na
dumi mula sa iba’t ibang kabahayan.
Ito ang isa sa
layunin ng isinagawa kamakailan na coastal clean-up drive sa bahagi ng tinatawag
na kambal na ilog sa lungsod, ang Iyam at Dumacaa River.
Ang paglilinis
ay pinangunahan ng sangguniang barangay ng Cotta sa pamumuno ng masipag na
punong barangay nito na si Kapitana Annalou Alcala katuwang ang ilang mga
kawani ng pamunuan kabilang ang mga barangay staff, barangay tanod, barangay
health alliance, streetsweepers at ilang coordinators sa iba’t ibang purok sa
Cotta.
Gayundin ay
nakiisa ang mga miyembro ng Amihan o ang grupo na binubuo ng mga kababaihan sa
barangay.
Sakay ng ilang
mga Bangka ay tulong-tulong na nilinis ng mga naturang indibidwal ang kahabaan
ng dalawang ilog malapit sa Brgy. Cotta, gayundin ang pampang na bahagi nito na
kalimitang binabagsakan ng mga basura na inaanod mula sa iba’t ibang lugar sa
lungsod.
Sama-sama
silang nagwalis at namulot ng mga basura na sinilid sa mga garbage bags at
nakatakdang i-dispose ng maayos sa tamang lugar.
Ang nasabing
aktibidad ay bilang pagsuporta rin ng pamunuan sa paggunita sa World Wildlife’s
Day na may temang “Life below water: for people and planet na ginanap noong ika-tatlo ng buwan ng Marso ngayong taon. (PIO-Lucena/M.A.Minor)