Upang pasinayaan ang gaganaping Grand Alumni homecoming ng mga dating mag-aaral sa Lucena Dalahican National High school, isinagawa ang kick...
Sinimulan ang aktibidad sa pagsasagawa ng zumba activity na ginanap sa ground ng naturang paaralan at kinalahukan ng mga alumnis na nagsipagtapos mula taong 2002 hanggang 2016.
Kinakitaan ang bawat isa ng saya sa pagsabay sa galaw ng zumba dance instructor gayundin ng pananabik sa pagkakataong makasamang muli ang kani-kanilang mga dating guro at kamag-aaral.
Bilang tanda rin ng pakikiisa ng mga alumnis sa gagawing homecoming ay kanilang nilagdaan ang pledge of commitment board upang ihayag ang kanilang buong pusong pagsuporta.
Kasunod nito ay nagbigay ng mensahe ang principal ng eskwelahan na si Carmen Macatugob kaisa ang presidente ng alumni association na si Mary Claire Valdeavilla sa mga nakiisa at nakilahok sa nasabing aktibidad.
Matapos ito ay nagtipon-tipon ang lahat upang pumarada sa kahabaan ng labas ng paaralan patungong Dalahican coverd court.
At nagpatuloy papunta sa isang purok sa barangay kung saan ginanap ang clean-up drive.
Bitbit ang mga sako at garbage bags ay sama-samang nilinis ng mga nasabing indibidwal katulong ang mga guro at punong-guro ang baybaying dagat sa pamamagitan ng pamumulot ng mga basura at pagtitipon nito sa isang garbage site na kung saan ay nakatakdang kunin naman ng pamunuang barangay upang itapon ng maayos sa tamang lugar.
Ang mga nabanggit na aktibidades ay hindi lamang nagpapakita ng pagtutulungan ng mga mamamayan ng Brgy. Dalahican kundi pati na rin ang pakikibahagi ng paaralan sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa komunidad.
Ang Grand Alumni Homecoming ng Lucena Dalahican Nat’l Highschool na may temang “Sama-sama sa ikadalawang dekada, Lodi halina’t makiisa” ay nakatakdang isagawa sa LDNHS ground sa ika-dalawampu’t isa ngayong buwan ng Abril. (PIO-Lucena/ M.A. Minor)