Bilang patuloy na suporta sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan mula sa pamahalaang panlalawigan, pinangunahan ni Quezon Gov...
Bilang patuloy na suporta sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan mula sa pamahalaang panlalawigan, pinangunahan ni Quezon Governor David C. Suarez ang isinagawang groundbreaking at konstruksyon ng Barangay Health Center sa Brgy. Kinabuhayan, bayan ng Dolores nitong ika-23 ng Abril.
Dito ay nagpaabot ng pasasalamat ang mga mamamayan ng nasabing bayan sa pamahalaang panlalawigan kasama ang kanilang punong-bayan na si Mario Milan.
Sa mensahe ni Gob. Suarez, inilahad niya na ang pagpapatayo ng barangay health center ay isa lamang sa mga pamamaraan upang mas mailapit pa ng pamahalaan ang mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan ng lalawigan.
“Kasi alam naman natin pagdating sa kalusugan ng ating mga kababayan, yan po ay dapat hindi natin binibigyan ng taon, linggo, o ng araw dahil health yan. Oras na nagkasakit ang tao, dapat nabibigyan natin ng agarang tulong, dapat nabibigyan natin ng agarang lunas. Sana po itong barangay health center na pinagagawa namin sa Brgy. Kinabuhayan ay magbigay ng mas magandang buhay para sa inyong lahat.” saad ni Gob. Suarez.
Ibinahagi ng ama ng lalawigan na kasalukuyan na ring isinasagawa ang konstruksyon ng district hospital para sa bayan ng Tiaong na pinaniniwalaang makapagbibigay rin ng mas mabilis na serbisyong pang-medikal para sa mga karatig-bayan.
Kaugnay nito ay inanunsyo ni Gob. Suarez ang pagkakaroon ng help desk para sa mga taga-Dolores na magtutungo sa naturang ospital. Layunin nito na mas mabigyan ng agarang aksyon ang pangangailangang-medikal ng mga mamamayan dito.
Ang pagpapalakas ng kooperatiba sa bawat munisipalidad ay isa rin sa hangarin ng administrasyong Suarez. Dahil dito, ibinahagi ng gobernador sa mga mamamayan ng nasabing barangay ang pagkakaroon ng Provincial Cooperative Development Office.
Ang naturang tanggapan ang magsisilbing boses ng mga kooperatiba sa lalawigan upang mas mapakinggan ng lokal na pamahalaan ang mga hinaing at layunin ng bawat samahan sa probinsya. (Quezon – PIO)