Papalapit na papalapit na ang darating na summer vacation, papalapit na papalapit na rin ang kasabikan ng mga mamamayan sa iba’t ibang des...
Papalapit na
papalapit na ang darating na summer vacation, papalapit na papalapit na rin ang
kasabikan ng mga mamamayan sa iba’t ibang destinasyon na kanilang pupuntahan
para sulitin ang ilang araw na walang pasok.
Panahon at
pagkakataon ito upang makasama nila ang kani-kanilang mga pamilya, kaibigan,
kabarkada o maging katrabaho sa mga lugar na nauna nilang plinanong puntahan.
Pero
kaalinsabay nito, ay kailangan din ang pagkakaroon ng bawat isa ng kaalaman
upang mapanatiling ligtas ang kanilang mga sarili maging ang kanilang mga
kasama.
Kaugnay nito,
nagbigay paalala at babala sa publiko ang Lucena Disaster Risk Reduction
Management Council sa pangunguna ng hepe nito na si Janet Gendrano hinggil sa
mga kahandaang dapat isaalang- alang ng bawat isa ngayong panahon ng bakasyon.
Una umano ay
para sa mga nagnanais na pumunta sa mga tourist beaches upang maligo at
magtampisaw, ang mga indibidwal ay hinhikayat na mag-aral na lumangoy upang
makaiwas sa pagkalunod.
Tiyakin rin na
mayroong nakabantay na life guard at huwag masyadong lumayo sa pampang upang
madaling masagip at Makita kung mapasailalim man sa di inaasahang pangyayari.
Para naman sa
mga hindi marunong maglangoy, magsama ng mga kamag-anak o kaibigan na mayroong
kaalaman gayundin ay huwang pabayaang mag-isa ang mga bata sa paliligo sa
dagat.
Mahigpit na
ipinagbabawal rin ang paglangoy kung nakainim man ng alak dahilan sa maaaring
panganib o pinsalang maidulot nito.
Maaari ring
magsuot ng life vest kung kinakailangan upang maiwasan ang pagkalunod.
Gayundin ang
pagsusuot ng stinging
suit o damit na makakaprotekta sa balat katulad ng rash guard, long pants, at
pang-itaas na long-sleeves na magsisilbing proteksyon naman laban sa salabay.
Sakali namang may maganap na mga di
inaasahang insidente, maaaring tumawag ang publiko sa mga emergency hotlines ng
ilang tanggapan na maaring rumesponde tulad ng LDRRMO na may hotline na
797-0441 o 710-0117 at sa kanilang mobile phone number na 0938-956-8172.
Para naman sa Philippine Coast Guard,
0917-842-8291 at sa Bureau of Fire Protection, maaaring tumawag sa 710-0110 o
797-2320. Gayundin ang emergency hotline 119 ng Lucena PNP.
Sa huli, ay nagbigay ng paalala ang nasabing
tanggapan na laging tandaan ng mga mamamayan ang mga bagay na dapat nilang
isagawa at isaalang-alang.
Maging listo anumang oras at mas mainam umano
ang mga mamamayang maagap, may kaalaman at kahandaan. (PIO-Lucena/M.A.Minor)