Editorial Nangangagat na ang sobrang init ng araw. Grabe ang init kahit saang panig ng bansa. Matindi ang dalang pinsala nito, hindi ...
Editorial
Nangangagat na ang sobrang init ng araw. Grabe ang init kahit saang panig ng bansa. Matindi ang dalang pinsala nito, hindi lamang sa mga pananim at sakahan sa bukid, kundi sa mismong kalusugan ng tao.
Mayroon nang nagbuwis ng buhay dahil sa heat stroke, isang lolo at isang police trainee. Bata, matanda, malusog, walang sakit. Ang ibig lamang sabihin, walang pinipili ang heat stroke, at may kakaiba talaga itong perwisyo sa kalusugan at katawan ng tao.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan, ang ilan sa sintomas ng heat stroke ay pananakit ng ulo, nahihirapang huminga, madalas na paghikab at pananakit ng batok.
Ang heat stroke ay isang karamdaman kung saan lubhang tumataas ang temperatura ng katawan na hindi napapawi ng pagpapawis dahil sa dehydration. Ang sakit na ito ay tinatawag din na heat injury o sun stroke at kailangan ng agarang atensyon o gamutan dahil ito ay nakakamatay o maaaring maging sanhi ng damage sa utak at iba pang internal organ.
Kapag nakaramdam ng ganito, kamonsulta agad sa pinakamalapit na ospital o health center. Upang makaiwas, dapat na huwag nang lumabas ng bahay o ng lugar na pinagtatrabuhan sa mga oras na matindi ang sikat ng araw, mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 4:00 ng hapon. Kung hindi naman maaaring hindi lalabas, magdala ng payong, sombrero o anumang pananggalang sa init. Magsuot ng kumportableng damit. Uminom ng maraming tubig at palaging magbaon nito kung lalabas ng bahay. At higit sa lahat, kumain ng simple at masustansyang pagkain para lumakas at maging malusog, at magkaroon ng resistensya laban sa mga sakit.
Hindi lamang heat stroke ang uso kapag summer o tag-araw, kundi pati food poisoning o pagkalason, dahil sa init ay mabilis mapanis ang pagkain, bulutong-tubig, rashes at skin diseases, pagtatae, pulmonya sa mga bata dahil madalas matuyuan ng pawis, at marami pang iba.
Kaya dapat, maging maingat tayong lahat. Palaging makinig ng balita o magbasa ng dyaryo upang makapaghanda at makasunod sa mga payo ng awtoridad at kinauukulang ahensya. At higit sa lahat, ugaliing magdasal at magsimba. Pinakamabisa ang taimtim na panalangin at lahat ay pinakikinggan ng Diyos.