Editorial Ayon sa isang Obispo, siya ay nalulungkot na ang karamihan sa mga Filipino ay tila nakakalimot na sa tunay na kahulugan ng pag...
Editorial
Ayon sa isang Obispo, siya ay nalulungkot na ang karamihan sa mga Filipino ay tila nakakalimot na sa tunay na kahulugan ng paggunita sa Kuwaresma.
Sa kanya umanong nakikita, tila ang pang-unawa ng mga tao sa Kuwaresma o Mahal na Araw (Holy Week) ay panahon ng pagbabakasyon at pagsasaya, sa halip na pagninilay at pagpipinitensya.
Iyan nga marahil ang problema. NAKAKALIMOT na ang mga tao, bagaman at marahil ay hindi naman lahat.
Alalahanin natin ang ginawa ng Diyos para sa tao. Ngayong Semana Santa, mangilin at isa isip ang tunay na diwa nito. Ituon ang paningin kay Hesus at humingi ng biyaya upang mas maunawaan ang misteryo ng pagpapakasakit ng Dakilang Manunubos.
Araw-araw nababasa sa mga pangmukhang pahina ng mga pahayagan, naririnig sa radio at nakikita sa telebisyon ang iba’t ibang uri ng mga karumal-dumal na krimeng ang mga may kagagawan ay matanda, talubata, babae, lalaki, bakla, tomboy, sariling kaanak, at pabata nang pabatang mga menor de edad. Hindi na marahil kailangang isa-isahin, na tila mga baliw at barbaro ang mga may kagagawan.
Nakakahindik! Nakakagimbal!
“What is happening in this country?” tanong ni Bossing.
NAKAKALIMOT NA NGA SA DIYOS ANG MGA PINOY. Ang dinidiyos nila - DROGA at SALAPI.
Kaya naman, payo ng nasabing Obispo, magbalik loob na tayong lahat sa Diyos.
Ipanalangin natin ang sambayanang Pilipino. Ipagdasal ang Pilipinas at ang mga namumuno rito.
Tahakin ang tuwid na daan, mamuhay ng simple at mapayapa.
HUWAG KALIMUTAN ANG DIYOS.