Pinangunahan nina Mayor Ernida Reynoso (gitna), Lt. Alambra ng 1st Infantry Batallion (kanan) at Kap. Silvina Obciana ang paggunita ng Ara...
Pinangunahan nina Mayor Ernida Reynoso (gitna), Lt. Alambra ng 1st Infantry Batallion (kanan) at Kap. Silvina Obciana ang paggunita ng Araw ng Kagitingan sa Brgy. Ibas, Tayabas City. (ANNADEL GOB) |
by Sentinel Times Staff
TAYABAS CITY – Nagsagawa ng pag-aalay ng bulaklak at pagpausok ng insenso bilang ritwal ng pasasalamat sa Tulay ng Prinsesa kaugnay sa paggunita sa ika-77 Araw ng Kagitingan sa Bgy. Ibas ng lungsod na ito noong Martes, ika-9 ng Abril.
Pinangunahan ni Mayor Ernida Reynoso ang paggunita kasama ang mga sundalo at Knights of Columbus sa pagkilala sa kabayanihan at kontribusyon ng mga beterano sa tinatamasang kalayaan.
Ang naturang pagdiriwang ay may temang “Kagitingan, Pagkakaisa at Pagmamahal sa Bayan, Susi sa Maunlad na Kinabukasan.”
Nagsagawa ng 21-gun salute ang 1st Infantry Battalion Philippine Army sa pagdiriwang ng makasaysayang pangyayari noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig nang sinakop ang Pilipinas ng bansang Hapon.
Isang hamon ang ibinigay niya sa mga kabataan, na tularan ang ginawa ng mga bayani. Ialay ang mga buhay hindi lamang sa pamilya bagkus sa Inang Bayan tungo sa ikauunlad ng bayan.
Si G. Aristeo Palad, District Commander ng 1st Quezon Veterans, ay nagbalik-tanaw tungkol sa makasaysayang pangyayari sa Tulay ng Prinsesa kung saan inambush ng mga Hunters Regimental Combat Team ang mga Hapon noong 2nd World War. Marami sa kanyang kasamahan ang tinamaan at nangamatay. Marami sa kanilang kasamahan na may sakit ay siya ang gumagamot. Ang mga gasa ay nilalabhan at pinakukuluan upang magamit muli ng ibang mga gerilya.
Nagpasalamat din si Palad kay Pang. Duterte dahil sa pagbibigay ng dagdag na pensiyon sa mga beterano.
Ang pag-insenso sa marker ng mga gerilya bilang ritwal ng pasasalamat ay pinangunahan ni Obispa Victoria Cabesuelas ng Kapatiran ng Litaw ng Katalinuhan.
Ayon kay Lt. Rabago ng 1st Infantry Battalion, Philippine Army, kahanga-hanga ang ipinakitang tapang ni G. Palad para sa bayan. Ang mga sundalo ay hindi lamang sa pagtugis ng kalaban makikita ang katapangan kundi sa pagpapahalaga ng kagitingan ng mga bayani.