by Ruel Orinday, PIA-Quezon LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Umabot sa 162 na mga job applicants ang natanggap agad sa trabaho matapos mag-apply...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Umabot sa 162 na mga job applicants ang natanggap agad sa trabaho matapos mag-apply ng trabaho sa isinagawang job and business fair ng Department of Labor and Employment (DOLE)- Quezon at ng Pacific Mall sa activity center ng nasabing mall sa lungsod na ito noong Mayo 1, 2019 na kasabay sa pagdiriwang ng labor day.
Sinabi ni Provincial Labor Officer Edwin Hernandez ng DOLE-Quezon na ang mga natanggap na aplikante na 162 ay bahagi ng 761 na mga job applicants na naitala ng DOLE-Quezon sa idinaos na job fair noong nakalipas na Mayo 1.
Ayon pa sa labor officer mas maraming aplikante ngayon ang nagpatala kungpara noong nakaraang taon na job fair na may halos 700 aplikante ang naitala.
“Sa ngayon ang iba’-ibang kompanya o employer sa lalawigan ng Quezon ay nangangailangan ng may 6,500 na manggagawa upang mapunan ang mga bakanteng trabaho kung kaya’t napapanahon ang pagdaraos ng job fair”, sabi pa ni Hernandez.
Umabot naman sa bilang na 63 employer ang nakiisa sa job and business fair na idinaos kaalinsabay sa pagdiriwang ng ika-117 taong araw ng paggawa sa lalawigan ng Quezon.
Samantala, ang panlalawigang tanggapan ng DOLE ay patuloy din ang kampanya konta kontraktwalisasyon o ENDO.
“Noong nakaraang taon (2018), may 800 manggagawa sa lalawigan ng Quezon ang natulungan natin para ma-regular habang ngayong taong ito (2019) ay target nating matulungan ang may 1,000 manggagawa upang mapermanente sa trabahong kanilang pinapasukan”, sabi pa ni Hernandez.
Kaugnay nito, ang panlalawigang tanggapan ng DOLE ay nagpapasalamat sa pamunuan ng Pacific Mall gayundin sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan at 63 employers na nakiisa sa pagdaraos ng job and business fair.