Editorial Nakatakda ang muling pagbabalik ng ROTC o Reserve Officer Training Corps sa pamamagitan ng House Bill 8961 nang ito’y maapruba...
Editorial
Nakatakda ang muling pagbabalik ng ROTC o Reserve Officer Training Corps sa pamamagitan ng House Bill 8961 nang ito’y maapruban kamakailan sa pangatlo at pinal na pagbasa sa botong 167 pabor at 4 na hindi pabor sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Nilalayon ng nasabing panukalang batas na muling ibalik ang ROTC sa Senior High School na Grades 11 at 12 sa mga pribado at pampublikong paaralan.
Ang pangkalahatang layon nito ay upang ang kabataan ay maging makabayan na kabahagi bilang reserbang puwersa sa aktibong mga kasapi ng sandatahang lakas ng bansa. Sa panahon ng kagipitan, kasakunaan at digmaan ang ROTC ay laang puwersa upang tumulong sa pagtatanggol at pagpapatatag ng bansa. O sa panahon ng kapayapaan ay maging tagapagtaguyod at katuwang ng mga gawaing sibiko gaya ng pagtulong sa daloy ng trapiko, sa gawaing pangkalinisan o sa kahit saan sa konsepto ng tradisyunal na bayanihan na may malalim na ugat sa ating kasaysayan.
Ganyan sana ang mabuting layon ng ROTC na kung tunay na maisasakatuparan ay malaking tulong sa patuloy na daloy ng kasaysayan ng pagpapatatag at pag-unlad ng ating bansa tungo sa kaaya-ayang bukas.
Pero ang tunay na karanasan sa pagpapatupad ng ROTC lalo na noong panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay di kaaya-aya, bagkus ay nakakalungkot at nakakagalit. Nagamit ang ROTC bilang kasangkapan, hindi ng pagpapayabong ng pagkamakabayan at patriyotismo kungdi ng pag-abuso, harassment, korapsiyon at kamatayan dahil sa hazing kaya’t ito’y pinalitan noong 2002 sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nang lagdaan nito ang batas sa National Service Training Program.
Di maiwasang muling manariwa ang mga alalahaning kaakibat sa pagbabalik ng ROTC na sa palagay ng mga kritiko nito ay nagdudulot ng military mindset at pekeng patriyotismo sa kabataan dahil ito’y nagtuturo ng bulag na pagsunod sa mga abusado at authoritarian leaders.
Di maiwasan ang mga alalahanin na sa panahon ng administrasyong Marcos ay nagkaroon ng masasamang karanasan sa ROTC at ngayon sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na iniidolo nito ang dating diktador, ay muling magbabalik ang ROTC.