EDITORIAL Di maiiwasan ang tanong ng taumbayan kung naging malinis ba, mapayapa, patas at makatarungan ang naging proseso ng katatapos l...
EDITORIAL
Di maiiwasan ang tanong ng taumbayan kung naging malinis ba, mapayapa, patas at makatarungan ang naging proseso ng katatapos lamang na pambansa at lokal na eleksiyon na nagluklok ng mga opisyal mula mambabatas sa mataas at mababang kapulungan ng kongreso, kinatawan ng mga partylist, mga pinunong panglalawigan, panlungsod at pambayan pababa hanggang sa mga kasapi ng mga sangguniang nag-aakda ng mga batas sa kanya-kanyang pamayanan.
Napakamahalaga samakatuwid ang naganap na eleksiyon bilang muling pagpapatibay ng demokrasya na ang taumbayan ang namimili ng kanyang gustong iluklok sa lahat ng antas ng pamahalaan na kailangan dumaan sa prosesong electoral.
Ngunit ano itong mga alingasngas na mga ulat na sa presinto pa lang kung saan isinasagawa ang botohan ay marami na ang pumapalyang Vote Counting Machines o VCM? Na maraming mga pumalpak na SD cards na kinalalagyan ng resulta ng halalan na siyang dahilan ng labis na pagkaantala ng proklamasyon ng mga nagwaging kandidato? Isipin na lamang na Lunes, Mayo 13 pa ginanap ang botohan ngunit sa lalawigan ng Quezon ay noon lamang hapon ng Biyernes, May 17, naiproklama ang nanalong gobernador at bise gobernador, mga kinatawan ng Una at Ikatlong Distrito at mga kasapi ng Sangguniang Panglalawigan dahil sa pagkaantala ng pagpapadala ng mga SD cards mula sa mga bayan-bayan ng buong lalawigan.
Marami ang mga nagtataka at nagtatanong kung may manipulasyon ba sa likod ng pagpalpak ng mga VCM at SD cards na ito upang maantala ang transmisyon ng resulta ng halalan at magawa ang ‘pagluluto’ ng dayaan sa paraang centralized at automated? Sino ang mga nasa likod ng maniobrang ito at sino ang napapaboran ng panglilinlang na ito upang isabotahe ang dapat sana ay malinis at patas na proseso ng botohan?
May isang OFW na halos paiyak na nanawagan kay Pangulong Duterte na kumilos upang tugunan ang anya ay malawakang pandaraya sa kanila at nawawala ang pangalan ng kanilang mga ibinotong kandidato. Nagsabwatan umano ang Comelec at Smartmatic para isagawa ang pandaraya.
Dapat ay malinaw na matugunan ng Commission on Elections ang anumang bintang at namumuong agam-agam at pag-aalala ng taumbayan sa katatapos lamang na halalan upang di mawala ang pagtitiwala ng taumbayan sa pamahalaan at sa proseso ng demokrasya sa ating bansa.