DOLORES, Quezon - Sa pagtutulungan ng tanggapan ng Provincial Agriculture Office, Provincial Tourism Office, kasama ang Department of Trade ...
Dinaluhan ng mga municipal tourism officer, local government unit representative, at iba’t-ibang mga samahan ang nasabing eksibit na naglalayong itaguyod ang community-based sustainable rural tourism sa pamamagitan ng kultura ng pagsasaka.
Tampok dito ang mga produkto ng iba’t ibang samahan at organisasyon sa lalawigan. Maliban sa eksibit, nagsagawa rin ng demo cooking at mga tamang paraan ng pagtatanim.
Ang nasabing kaganapan ay naging posible sa inisyatibo nina Provincial Agriculturist Roberto Gajo at Provincial Tourism Alberto S. Bay bilang tugon sa programang pang-agrikultura at pang-turismo ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. David C. Suarez. Sa mensahe ni DTI Provincial Director Julieta Tadiosa, ipinaabot niya ang suporta ng kanilang tanggapan para sa pagpapatibay ng sektor ng agrikultura at turismo sa Lalawigan ng Quezon.
“Alam po ninyo, napakaganda ng Quezon Province. Napakayaman sa lupa, sa tubig. Kaya napakarami nating produkto na dapat lamang ay ating i-promote. We would like to congratulate the Provincial Government of Quezon for staging this kind of event.” ayon kay Tadiosa.
Ibinahagi naman ni Provincial Administrator at Provincial Agriculturist, Roberto Gajo, ang pangunahing prinsipyo ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura at kung paano ito isinasabuhay ng pamahalaang panlalawigan para sa kabuhayan ng mga kapwa Quezonian. Binigyang-diin rin ni Gajo ang pagpapahalaga ng pamahalaang panlalawigan sa kultura ng Quezon at kung paano ito patuloy na pinagyayaman sa pamamagitan ng mga sustenableng proyekto at programa.
“Growing people towards sustainable and inclusive development ang prinsipyong tinutungtungan ng Serbisyong Suarez sa Agrikultura. Agriculture is our way of life. Kaya nga sinabing kultura at mahirap i-insist sa isang community kung hindi ito ang nakagawian nila. Pero sa Lalawigan ng Quezon, walang makapagsasabi na ang pagsasaka ay hindi natin kultura. Ang kailangan lang natin ngayon is pagyamanin pa ito sa direksyong may pupuntahan at makakatulong para umunlad ang ating pamilya at komunidad.” pahayag ni Gajo. (Quezon – PIO)