by Annadel O. Gob LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mayo 11 ginanap ang Baybayin Writing Workshop sa Casa Comunidad de Tayabas na binuo ng Tuklas...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Mayo 11 ginanap ang Baybayin Writing Workshop sa Casa Comunidad de Tayabas na binuo ng Tuklas Tayabas Historical Organization na dinaluhan ng 90 mag-aaral.
Tunay nga na isa itong iskriptong mayaman sa kasaysayan na katangi-tangi at nararapat na kilalanin at ibahagi. Hindi man kasing dami ang mga pagkukunan ng kaalaman tungkol sa baybayin, pero ang mga ito ay maaaring mahanap at mayroon ding mag tao na patuloy ang pananaliksik sa baybayin kahit bago pa ito muling sumikat sa social media.
Ang Tuklas Baybayn Writing Workshop ay naisip ng grupo bilang pakikiisa sa National Heritage Month upang ipakilala at ilapit sa mga kabataan ag pag-aaral ng Baybayin. “Sabi ng iba wala daw pong koneksiyon sa Tayabas ang Baybayin. Sinusubukan po namin na ipaunawa na ang baybayin ay posibleng ginamit din dto bago pa dumating ang mga Kastila,” paliwanag ni John Valdeavilla, Pangulo ng Tuklas Tayabas.
Ipinaliwanag ni Dr. Bonifacio Comandante, Jr, tubong Lucban, Quezon, isa sa mga nangungunang iskolar na nag aaral ng baybayin, ang mga simbolo na ginagamit sa pagsulat ng baybayin ay hinango sa hugis ng mga kabibe sa dagat.
“Ang baybayin ang sistema ng panulat na ginamit ng mga sinaunang Pilipino bago pa man dumating ang mga Espanyol kung saan sapilitan nilang sinira ang mga nalalabing ebidensya ng baybayin hanggang sa nakalimutan na ito ng mga Pilipino. At ang ginamit na sistema ng pagsulat ay ang alpabetong Romano. Hindi baybayin. Hindi ang sariling atin.”
Ipinakita rin sa pamamagitan ng isang video presentation, ang sayaw na nilikha ni Dr. Comandante na nagpapakilala sa baybayin na tinatawag na Liping Baybayin. Ipinakita rin niya ang mga baybayin na makikita sa kuweba ng lalawigan ng Rizal.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kabataan na maisulat ang baybayin sa pamamagitan ng clay.
Ang Tuklas Baybayin Writing Workshop ay isa lamang sa mga activities ng Mayohan sa Tayabas.