June 29, 2019 TAYSAN, Batangas - Matagumpay na isinagawa ang ikalawang National Simultaneous Earthquake Drill sa bayang ito noong ika-20 ...
TAYSAN, Batangas - Matagumpay na isinagawa ang ikalawang National Simultaneous Earthquake Drill sa bayang ito noong ika-20 ng Hunyo.
Ayon kay Joselito Castro, pinuno ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, tinukoy nila ang bayan ng Taysan bilang area kung saan dapat isagawa ang ikalawang quarter drill dahilan sa nais nilang alamin ang kahandaan nito pagdating sa kalamidad.
“Napili namin ang bayan ng Taysan dahil katatapos lamang nila ng pagsasanay sa Incident Command System(ICS), nakita rin namin na very promising ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office dahil bukod sa sila ay bukas sa patuloy na pagkakaroon ng dagdag kaalaman, nandoon ang kanilang kagustuhang patuloy na mapaunlad ang kanilang hanay para sa ikabubuti ng mga mamamayan. Napaka-cooperative ng mga ahensya dito tulad ng PNP,BFP at maging ang mga barangay na may trained personnels tulad ng Brgy. Bilogo,” ani Castro.
Ayon kay Vice Mayor Nitoy Perez, ito ay isang pambihirang pagkakataon sapagkat ang kanilang bayan ang pinagdausan ng naturang drill.
“Malaki po ang pasasalamat natin sa pamunuan ng PDRRMO dahil dito sa atin idinaos ang ikalawang NSED at dapat po ito ay ating seryosohin dahil ito ay ating pakikinabangan kung sakaling maranasan natin ang kalamidad na tulad nito. Hindi lamang po ang ating mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga guro at mag-aaral ang dapat matuto sa drill na ito maging ang ating mga residente sa paligid ng ating pamahalaang bayan tulad ng mga magtitinda, magta-tricycle at maging ang mga dumaraan lamang. Lahat din ng mga punang ibinigay ng ating evaluators ay dapat nating isaisip dahil maaari natin itong mapaunlad sa mga susunod pang drill na ating isasagawa,” ani Perez.
Ang pagsasanay ay nilahukan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang local, mga guro at mag-aaral ng Taysan Central Elementary School, mga national government agencies kabilang ang Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Information Agency (PIA), Department of Education (DepEd) at pribadong kumpanya tulad ng Batangas Electric Cooperative II.
Matapos ang drill ay ipinakita ng PDRRMO ang iba’t-ibang kagamitan na ginagamit nila sa water search and rescue, life-saving equipment, heavy rescue equipment at high angle rescue.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagpapaunlad ng Batangas PDRRMO ng mga pagsasanay para sa lahat ng miyembro ng DRRMC gayundin ang pagbuo ng mga kagamitan at maging mga service vehicles at ambulances na maaaring magamit sa panahon ng kalamidad. Bukod pa dito, magdaragdag din sila ng mga kawani na kukumpleto sa kanilang hanay upang mas lalo pa nilang maibigay ang kanilang serbisyo sa mga Batangueno alinsabay ng pagbibigay ng tulong sa mga kalapit na lalawigan na nangangailangan ng tulong. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments