By Mamerta De Castro June 8, 2019 Nagpalabas din ang BFAR ng patalastas ukol sa kalidad ng tubig sa Lawa ng Taal sa sunod-sunod na araw...
June 8, 2019
Nagpalabas din ang BFAR ng patalastas ukol sa kalidad ng tubig sa Lawa ng Taal sa sunod-sunod na araw simula Mayo 31 hanggang Hunyo 1 kung saan nakasaad dito na nananatili ang mababang kalidad ng tubig sa mga apektadong lugar ng fishkill. Naitala ang mababang sukat ng dissolved oxygen sa mga sumusunod na lugar kabilang ang Brgy. Banaga at Bilibinwang sa Agoncillo, Brgy. Buso-Buso at Leviste sa Laurel, at Brgy. Sampaloc at Quiling sa bayan ng Talisay.
LUNGSOD NG BATANGAS - Umabot sa 605 metriko tonelada ang apektado ng nangyaring fishkill sa dalawang bayan na sakop ng Taal Lake noong ika-31 ng Mayo.
Ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) 4A Regional Executive Director Atty. Maria Paz Luna, may 121 fish cages mula sa Brgy. Buso-Buso at Gulod sa bayan ng Laurel at Brgy. Banyaga sa bayan ng Agoncillo ang naapektuhan sa pagbaba ng dissolved oxygen mula sa lawa.
“Nagsimula ang fishkill noong Mayo 27 kung saan may 10 fishcages pa lamang ang naapektuhan hanggang noong Mayo 30 kung saan lumutang ang mga tilapia na may 200 metriko tonelada at umabot ng 605 metriko tonelada noong biyernes, Mayo 31. Agaran din naman kaming nagsagawa ng executive committee meeting kasama ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR),”ani Luna.
Kasunod nito, nagpaalala rin ang BFAR sa lahat ng fish cage operators na patuloy na paigtingin ang kanilang pagmamatyag sa alagang isda at mag-ani ng mga malalaking isda na maaari na sa merkado. Gayundin, gawin ang mga karampatang hakbang tulad ng paggamit ng oxygen tanks/aerators, pump at engine sets upang maiwasan pa ang pagkakaroon ng fish mortality o fish kill.
Ipinag-utos naman ng Protected Area Management Board (PAMB) Execom na kailangang tanggalin ang mga patay na isda sa mga fishcages sa loob ng 24 oras upang maiwasang makapagdulot ng kontaminasyon sa tubig.
Kaugnay nito, nanawagan si Luna na patuloy na tangkilikin ang mga natitirang tilapia dahil hindi umano makakaapekto sa suplay at presyo nito sa merkado ang nangyaring fish kill dahil maliit na porsiyento lamang ito sa kabuuang industriya ng pangisdaan.
Sa kasalukuyan patuloy na lamang ang ginagawang paglilinis ng mga fish cages na nagkaroon ng fishkill alinsabay ng patuloy na monitoring ng kalidad ng tubig sa Lawa ng Taal. (BHABY P. DE CASTRO, PIA Batangas)