by Mamerta De Castro June 22, 2019 LUNGSOD NG LIPA, BATANGAS - Nakipag-ugnayan ang Civil Military Operations sa iba’t-ibang stakeholders...
June 22, 2019
LUNGSOD NG LIPA, BATANGAS - Nakipag-ugnayan ang Civil Military Operations sa iba’t-ibang stakeholders sa isang pagpupulong na ginanap sa Fernando Air Base sa lungsod na ito noong ika-7 ng Hunyo kung saan pinag-usapan ang problema sa insurhensya.
Ayon kay Col. Gerardo Zamudio, Assistant Chief of Air Staff for Civil Military Operations, matagal ng problema ang insurhensya kung saan karamihan sa nagiging biktima dito ay ang mga kabataan na napapariwara ang buhay dahil sa maling paniniwala.
“Sa loob ng 50 taon, malaking problema na natin ang insurhensya kung saan maraming kabataan ang pinipiling mamundok at makibaka ng mga ideolohiyang itinanim sa kanila. Karamihan sa kanila ay nasasayang ang buhay at kinabukasan tulad ng mga nakaranas na maka-engkwentro ang mga militar at mapatay. Ang kanilang pamilya ay hindi lamang nawalan ng isang miyembro ngunit maging ang ating bansa ay nawalan ng isang pag-asa sa mga kabataang ito. Ang armadong pakikibaka ay hindi sagot sa kaunlarang hinahangad natin dahil 50 taon na tayong nagpapatayan at walang naidulot na maayos ito sa atin, paulit-ulit lamang ang pangyayari dahil kulang sa komunikasyon,” ani Zamudio.
Binigyang-diin pa ng opisyal na dapat maipaabot sa publiko ang mga hakbang na ginagawa ng kasundaluhan upang maisulong ang tunay at konkretong kapayapaan sa bansa.
Ayon kay Zamudio, malaki ang kakulangan ng gobyerno sa pagpapaabot ng mga ginawang programa o proyekto upang maitaas ang antas at paniniwala ng mga tao kaya’t ito rin ang dahilan kung bakit nagagamit ito ng ibang mga grupo laban sa pamahalaan.
Kaugnay pa nito,ipinakita din ang mga gagawing programa ng CMO kabilang ang paglulunsad ng Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP) Southern Luzon kung saan ito ay kolaborasyon ng pribadong samahan at pamahalaan na maaaring pag-usapan ang mga napapanahong isyu sa pamamagitan ng isang forum; pagsasagawa ng Rap Contest na nagtutulak sa mensahe na naglalayon ng kapayapaan; Campus Peace and Development Forum kung saan magkakaroon ng massive information drive sa lahat ng mga paaralan upang maiwasan ang recruitment dito; Project Tinta o pakikipagtie-up sa mga lokal na pahayagan sa pamamagitan ng opinion column na magpapabatid ng ginagawang hakbang ng Philippine Air Force (PAF); CMO Intervention Team bilang suporta sa Unified Command kung saan dapat inaalam ang mga pangunahing impormasyon sa isang partikular na lugar at mga aktibidad na nangyayari dito at panghuli ay ang pagpapatupad ng Flight Plan 2028.
Samantala, sinabi ni MGen Antonio Parlade Jr., Deputy Chief of Staff for Civil Military Operations ng Armed Forces of the Phils. (AFP) na nasa 90% na ang kampanya ng kasundaluhan upang tuluyang matigil ang insurhensya.
“Dapat mabilis ang ating pagkilos at mabago ang ating mindset gayundin ang patuloy na pagsustina ng ating mga ginagawa at pagkakaroon ng bukas na kaisipan para dito. Sa tulong ng Philippine Information Agency ay hangad natin na maiparating sa ating mga kababayan kung ano ang ginagawa ng ating pamahalaan dahil abot kamay na natin ang kapayapaang ating hinihingi. Agresibo na ang pamahalaan ngayon para ang paghihimagsik ay tuluyang mawakasan,” ani Parlade.
Sinabi naman ni PIA Calabarzon Regional Director Ma. Cristina Arzadon na nakahanda ang ahensya upang maging kaagapay ng PAF CMO sa anumang information dissemination programs na bahagi ng kanilang tungkulin.
Matapos ang pagpupulong ay nagsagawa ng isang motorcade at radio guesting sa iba’t-ibang mga radio stations sa lungsod ng Lipa at Batangas ang CMO para sa kanilang adbokasiya. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)
No comments