by Lolitz Estrellado June 15, 2019 BATANGAS CITY - Dahil sa nalalapit nang panahon ng tag-ulan ngayong buwan ng Hunyo, nagpalabas na ng b...
June 15, 2019
BATANGAS CITY - Dahil sa nalalapit nang panahon ng tag-ulan ngayong buwan ng Hunyo, nagpalabas na ng babala o paalala ang Department of Health (DOH) o Kagawaran ng Kalusugan sa publiko na maging maingat na at paghandaan ang mga sakit na dulot ng rainy season.
Ayon kay Batangas Provincial Health Officer Dr. Rosevilinda Ozaeta, kabilang sa mga sakit na tinukoy ng DOH ay ang diarrhea, water-borne diseases tulad ng typhoid fever, cholera, leptospirosis, at vector-borne diseases na malaria at dengue na talagang namiminsala kapag panahon ng tag-ulan.
Sinabi ni Ozaeta na mas mabuti nang laging handa at maging maingat ang publiko upang hindi dapuan ng mga nabanggit na sakit, lalo na ang mga bata.
Mas nakakabuti umano na magkaroon ng mga panlaban sa mga karamdamang ito bago pa man tuluyang dumating ang panahon ng tag-ulan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng malakas at matibay na resistensya, pagkakaroon ng personal hygiene o kalinisan sa sarili at sanitasyon sa kapaligiran.
Binigyang diin ng Ozaeta na ang kalinisan sa katawan at sa kapaligiran, wastong nutrisyon, ehersisyo, at simpleng pamumuhay ay makakatulong upang lumakas ang resistensya laban sa anumang uri ng sakit hindi lamang kung panahon ng tag-ulan kundi "the whole year round" o sa lahat ng oras.