Editorial June 6, 2019 Kamakailan lang ay kinatigan na ng Korte Suprema ang pagtatanggal ng Filipino at Panitikan bilang mga sabjek ...
June 6, 2019
Kamakailan lang ay kinatigan na ng Korte Suprema ang pagtatanggal ng Filipino at Panitikan bilang mga sabjek na dapat ituro sa kolehiyo. Itinuturo na anya ito sa elementary at high school kaya hindi na mandatory requirements sa kolehiyo.
Umalma siyempre pa ang mga makawika at mga nagtuturo sa Filipino at Panitikan sa kolehiyo na malamang ay mawalan ng trabaho. Pero higit pa riyan ay ang pahayag nila na ang ginawang ito ng Korte Suprema ay mangangahulugan ng pagkabansot ng kaalaman sa sariling wika ng ating mga kabataan at, higit sa lahat, ay maapektuhan ang pagkamakabansa nila at pagmamahal sa sariling kultura. Sa ibang salita, ang pagtanggal sa dalawang sabjek na yan ay malamang magresulta sa pagkabansot o pagkitil sa diwa ng pagka-Filipino ng mga susunod na henerasyon, lalo na ang kabataan na siyang itinuturing na tagapagmana ng kinabukasan.
Ang tingin ng karamihan ngayon ay irrelevant na o walang kabuluhan at saysay ang dalawang sabjek na iyan na ituro pa sa kolehiyo dahil anila hindi naman nagagamit yan sa paghanap ng mapapasukang trabaho sa ibang bansa. Ang mabuti pa umano ay pagtuunan ang pagtuturo sa English at Math dahil ito ang praktikal na pangangailangan sa mundo ng trabaho at komersiyo.
Sa panahon ngayon ng pamamayagpag ng teknolohiya at globalisasyon ay lubos na namamayani ang isipan at kulturang dayo at nanganganib na maglaho ang anumang kakanyahan sa sariling kultura at wika ng maliliit at atrasadong bansa na kagaya ng Pilipinas. Oo mahalaga ang pag-unlad sa ekonomiya, agham at teknolohiya pero aanhin mo ang uri ng kaunlarang walang puso at walang tatak na kakanyahang maidudulot lamang ng pagpapayaman sa sariling kultura? At ang kultura ay naipapahayag lamang at napapayaman sa sariling wika at panitikan.
Ang pagtuturo ng Filipino at Panitikan sa kabataan hanggang kolehiyo ay paggigiit ng diwang makabayan. Kung ang ating pamahalaan ay magpapabaya at magsasawalang-bahala sa usaping ito ay isang malaking pagkakamali na dapat ay maituwid dahil ang sariling wika at panitikan ay siyang instrumento ng sariling kultura na maituturing na buod at kaluluwa ng bansa.