By Kier Gideon Paolo Gapayao June 29, 2019 Lumikas ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal bilang bahagi ng 2nd Quart...
June 29, 2019
Lumikas ang mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal bilang bahagi ng 2nd Quarter National Simultaneous Earthquake Drill. (Rizal PIO) |
Sa atas ni Rizal Gob. Rebecca “Nini”Ynares kay Provincial Disaster Risk Reduction Officer (PDRRMO) Loel Malonzo ay binigyang diin niya na dapat ay isapuso at seryosohin ng lahat ng empleyado ang ginagawang quarterly earthquake drill dahil maaaring ito ang makapagligtas sa maraming buhay kung mangyayari nga ang malakas na lindol.
Kaya naman matapos ang malakas na pagtunog ng alarm sa Kapitolyo, na siyang simulation ng lindol, maayos na naglabasan sa kani-kanilang mga kuwarto ang mga empleyado habang naka-cover ang kanilang mga kamay sa kanilang mga ulo. Dumiretso sila sa itinalagang designated evacuation area sa bakuran ng Kapitolyo. Sa loob naman ng Kapitolyo ay nagsasagawa na ang mga “sweeper” sa bawat palapag at kuwarto ng gusali ng Pamahalaang Panlalawigan upang i-account kung lahat ng empleyado ay ligtas at matiwasay na nakalabas at nakapunta sa evacuation area.
Sa pangunguna naman ni PDRRMO Malonzo ay nakikipag-koordinasyon na ang buong disaster team sa Provincial Health Office na nagtsi-check kung may mga empleyadong nasugatan at kailangang malapatan ng kaukulang medikal na tulong dahil sa lindol. Makaraan ang ilang minuto at matiyak ang integridad ng gusali ay saka lamang maayos na pinabalik sa kani-kanilang tanggapan ang mga empleyado.
“Seryoso kami sa simulation earthquake drill na ito at masinsinan naming pinag-aaralan kung ano pa ang mga dapat na paghahanda o kaya ay kakulangan na dapat pang pag-ibayuhin ng lahat upang masiguro na magiging handa at ligtas ang mga Rizalenyo sa sakunang dulot ng lindol,” pahayag ni Gob. Ynares. (PIA-Rizal may ulat mula sa Rizal PIO)
No comments