June 8, 2019 Muling pinatunayan ng Lalawigan ng Quezon ang husay nito sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa disaster prepared...
Muling pinatunayan ng Lalawigan ng Quezon ang husay nito sa pagpapatupad ng mga programang may kinalaman sa disaster preparedness nang hirangin ang Quezon Province bilang isa sa mga finalist ng Gawad KALASAG 2019.
Pinangunahan ng tanggapan ng Provincial Risk Reduction Management Office ang isinagawang flag raising ceremony nitong nakaraang Lunes kung saan inanunsyo ni PDRRMO Department Head Melchor Avenilla Jr. ang nasabing pagkilala na nakamit ng lalawigan.
“2019 and 2020, ito po yung mas aabangan natin. Dahil sa PDRRM council members at mga katuwang ay nagkamit ng pangalawang estado o award para sa Gawad Kalasag ang Lalawigan ng Quezon. Hindi po natin magagamapanan yan kung hindi dahil sa suporta ng ating mga nasa likuran at sa suporta ninyong lahat.” saad ni Avenilla.
Kasabay nito, nagbigay-ulat rin si Avenilla ukol sa mga pagsasanay na isinasagawa ng mga miyembro ng Provincial Risk Reduction Management Council o PDRRMC upang mas mapagtibay pa ang mga program ang pamahalaang panlalawigan partikular sa disaster preparedness management.
Kabilang dito ay ang contingency planning training of facilitators, mga pagsasanay para sa incident command system o ICS, pagsasanay para sa paghahanda sa anumang sakuna tulad ng lindol at training para sa mga miyembro ng komunidad.
Matapos nito, isa-isa ring kinilala ang mga miyembro ng PDDRMC na naging bahagi ng matagumpay na implementasyon ng mga programang pang-sakuna sa lalawigan. Kabilang dito ay ang mga ahensyang pang-nasyunal, mga non-government office, disaster officers ng iba’t-ibang bayan at mga hepe ng bawat tanggapan.
Samantala, sa mensahe ni Acting Provincial Administrator Roberto Gajo, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kahandaan sa pamahalaang panlalawigan lalo na sa agtugon sa mga dumarating na sakuna.
“Napakalaking bagay na alam ng bawat isa sa atin ang kahandaan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon sa pagtugon sa mga sakuna na dumarating sa ating bansa, sa ating lalawigan at maging sa ating mga barangay. Kaya yung mga pagsasanay, trainings at seminars na ating isinasagawa ay marapat pondohan at ito ay ginawa ng ating minamahal na Governor David C. Suarez at ng buong pamahalaang panlalawigan ng Quezon kasama ang Sangguniang Panlalawigan upang ang mga paghahandang ito ay matugunan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon. ” pagbabahagi ni PA Gajo. (Quezon – PIO)