June 29, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa 33 barangay sa Lungsod, 16 na rito ang naideklara ng Philippine Drug Enforcement Agency bilang...
June 29, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sa 33 barangay sa Lungsod, 16 na rito ang naideklara ng Philippine Drug Enforcement Agency bilang drug cleared barangay habang naghihintay na lamang ng positibong resulta ang 6 pang barangay.
At dahil responsibilidad ng mga punong barangay na bantayan ang katahimikan at kaayusan sa kani-kanilang lugar, patuloy na hinihinkayat ng Lucena PNP ang mga opisyales na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa kriminalidad at iligal na droga sa kanilang nasasakupan sa pamamagitan ng pagpapatibay ng Barangay Anti-drug Abuse Council o BADAC.
Sa tulong umano nito ay mas magiging malakas ang pwersa ng kanilang grupo kontra droga sa tulong ng pwersa mula sa barangay na lebel.
Ang mga ito raw kasi ang nagsisilbing first line of defense dahil ang mga ito ang nakakaalam at nakakakilala ng mga gumagamit at nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot sa kanilang lugar.
Magsilbi raw sanang hamon para sa mga kapitan ng natitirang 11 barangay ang paparaming bilang ng mga drug cleared barangay sa lunsgod.
Ipinag bigay –alam rin ng Lucena PNP sa mga punong barangay ang mahigpit na pagmomonitor ng dilg kasama ang mga kapulisan pagdating sa datos ng mga namatay at nakulong dahil sa iligal na droga gayon rin ang datos ng mga sumuko sa oplan tokhang, at mga surrenderees na nagsipagtapos na sa rehabilitation program na simula ng pag-asa.
Sa 4,156 na mga drug surrenderees, 3, 909 na ang mga nagsipagtapos sa sipag.
Pinayuhan rin ng Lucena PNP ang mga barangay na maging mabusisi sa paglalagay ng mga sticker sa mga kabahayan na nagsisilbing palatandaan na wala o wala nang indikasyon ng iligal na droga sa lugar.
Simula umano nang pasimulan ng PNP ang Community Mobilization Program, sa 46, 250 na houselhoulds sa buong lungsod, 40, 065 househoulds na ang nakabitan nito.(PIO Lucena/C.Zapanta)
No comments