Sa pamamagitan ng iba’t ibang putahe, nagawang maitaguyod at maipakilala ng mga representa ng lucena ang mayamang kultura ng Quezon sa mga h...
Nabalot ng nakagugutom at katakam-takam na amoy ang bulwagan ng nuciti mall sa batangas city dahil sa mga putaheng niluto ng 8 mahuhusay na kusinero mula sa iba’t ibang lugar sa region 4-a calabarzon. Layunin ng nasabing cooking-competition na mabigyan ng rekognisyon ang bagong henerasyon ng mga talentadong kusinero mula sa 16 rehiyon sa bansa.
Dahil sa likas na galing sa pagluluto, hindi nagpahuli sa pagpapamalas ng kanilang kakayahan ang apat na lucenahin na sina irvin wagan, christian encina, marie hipolita, at eric tolentino na umani ng mga papuri mula sa mga hurado na sina chef sau del rosario, nancy reyes-lumen, anthony pantoja, christine guevara, at paul reyes.
Sino ba naman kasi ang hindi mamamangha sa mga putahe na nagrerepresinta ng mga produktong lokal ng quezon.
Sa pamamagitan rin ng mga putaheng ito, nagawang maibahagi ng mga lucenahin ang malawak nilang karanasan sa buhay. Nagawa rin ng mga itong madala sa iba’t-ibang lugar ang mga hurado at maipakilala sa mga ito ang mayamang kultura na kanilang kinagisnan.
Ayon sa mga hurado, nagsisilbing ‘dagdag pampalasa’ ang mga inspirasyon at kwento sa likod ng bawat putahe.
Malugod ring tinanggap ng mga partisipante ang mga kritisismo mula sa mga hurado. Tiyak raw kasing magagamit nila sa mga susunod na kompetisyon at pagkakataon ang mga komentong nagmula mismo sa mga eksperiensyadong kusinero.
Bagay na sinag-ayunanan naman ng presidente ng lucena city alliance of culinary advocates na si chef alfonso ranido.
Ayon kay ranido, ang pagsali sa mga kaparehong patimpalak ay isa sa mga adbokasiya ng kanilang asosasyon upang mairepresinta ang lungsod sa nasabing larangan. Paraan rin ito upang patuloy na matuto at mahasa ang kanilang kakayahan sa pagluluto.
Sa katunayan, kasama rin ng kanilang grupo ang ilan sa mga myembro ng young alliance of culinary advocates na pawang mga culinary arts at hrm students mula sa iba’t ibang unibersidad at institusyon sa lungsod.
Maganda raw kasi itong pagkakataon upang magkaroon ng dagdag na kaalaman at karanasan ang mga estudyante na kalauna’y siya namang sasalang sa mga kaparehong patimpalak. (PIO Lucena/C.Zapanta)
No comments