By Ruel Orinday, PIA-Quezon June 15, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ng pamahalaaang panlalawigan ng Quezon na tututukan nito ang...
June 15, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Inihayag ng pamahalaaang panlalawigan ng Quezon na tututukan nito ang paglikha ng maraming pang trabaho ngayong taon upang makatulong sa mga konstitwente nito.
Sa isinagawang flag raising ceremony kamakailan sa harapan ng kapitolyo ng Quezon, iniulat ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) ang ilan sa mga aktibidad na isinasagawa nila sa iba’t ibang bahagi ng probinsya na may kinalaman sa prospect ng trabaho.
Kabilang dito ay ang patuloy na pagsasagawa ng job fair, online services para sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, OFW help desk, local at special recruitment activities gayundin ang career guidance at employment coaching na naging daan sa paglikha ng libong trabaho sa mga taga lalawigan ng Quezon.
Ayon sa datos ng PESO, nasa walong job fairs na ang naisagawa ng kanilang tanggapan para sa taong 2018 at 25 na career coaching sa mga munisipalidad ng Real, Sampaloc, Candelaria, Sariaya, Atimonan, Alabat, San Francisco, Agdangan, Tayabas City at Lucena City. Sa kabuoan, nasa 4,436 na ang bilang ng mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Sa pamamagitan ng tanggapan ng PESO, nakakapaghikayat rin ang pamahalaang panlalawigan ng mga iskolar para sa Gokongwei Brothers Foundation na kasalukuyang pinakikinabangan na ng 16 na mag-aaral mula sa Quezon Province.
Kaugnay ng mga programang ipinatutupad ng Provincial PESO, ibinahagi naman ni Quezon Gov. David Suarez na isa sa kanyang layunin ay mas mapababa pa ang lebel ng unemployment rate sa Quezon. Aniya, makakamit lamang ito sa pamamagitan ng maigting na pagtutulungan ng pamahalaang nasyunal at ng pamahalaang panlalawigan sa mga darating pang panahon.
“Through the efforts of the national government and provincial government (Sa pamamagitan ng pagsisikap ng pamahalaang nasyunal at lokal), kung sa malnutrition napababa natin to single digit and malnutrition rate ng province, siguro hindi rin masamang ipangarap na ibaba din natin to single digit ang unemployment rate ng Lalawigan ng Quezon,” ayon sa opisyal.
Nagpasalamat din ang gobernador sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan na naging bahagi ng kanyang 9 na taong serbisyo bilang ama ng Lalawigan ng Quezon.