By Ruel Orinday, PIA-Quezon June 15, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang pagpili ng n...
June 15, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sinimulan na ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang pagpili ng natatanging mamamayan ng lalawigan ng Quezon na tinatawag na Quezon Medalya ng Karangalan. (QMK).
Kaugnay nito, maaari nang magsumite ngayon ng nominasyon ang sinumang indibidwal o organisasyon sa Provincial Gender and Development Office na matatagpuan sa 3rd Floor ng Social Services Building, lungsod ng Lucena at maaari ding tumawag sa telepono bilang (042)-373-7175. Ang nominasyon ay tatanggapin hanggang Hunyo 30, 2019.
Ang Quezon Medalya ng karangalan (QMK) ay pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng lalawigan ng Quezon sa mga natatanging Quezonian dahil sa kanilang mga kapuri-puri at pambihirang nagawa na nagtaguyod ng pangkalahatang kagalingan at kapakanan sa lalawigan at mga mamamayan nito, ayon sa itinakda ng kapasiyahan Blg. 612 ng Sangguniang panlalawigan noong Agosto 5, 1970.
Layunin din ng QMK na mapanatili sa puso at isipan ng bawa’t mamamayan ang mga kahanga-hanga at kapita-pitagang katangian ni dating Pangulong Manuel L. Quezon sa pamamagitan ng pagkilala sa mga natatanging Quezonian , anuman ang antas ng kanilang pamumuhay , uri ng paniniwala at pananampalataya.
May dalawang kategorya ang Quezon Medalya ng karangalan, ito ay ang Gintong Medalya ng karangalan na ipinagkakaloob sa isang indibidwal lamang, nang hindi kinakailangang taon-taon na siyang tatanggap din ng isang lantay na gintong medalya at plake ng pagkilala at ang Medalya ng karangalan na ipinagkakaloob sa hindi hihigit sa sampung indibidwal na tatanggap din ng medalya at plake ng pagkilala.
Maituturing na natatangi ang isang mamamayan na nominado at nakatulong sa lalawigan sa alinmang larangan kagaya ng agrikultura, edukasyon, enhinyera, arkitektura, serbisyong pampamahalaan, batas, kalusugan, pilantropiya at serbisyong publiko, agham at teknolohiya, isports, kultura at sining.
Ang parangal ay isasagawa sa Agoto 19, 2019 sa Quezon Convention center sa lungsod ng Lucena kaalinsabay sa pagdiriwang ng ika -141 kaarawan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon.