by Lolitz Estrellado Nutracker June 15, 2019 Noong nakaraang Hunyo 12, 2019 ipinagdiwang ng sambayanang Pilipino ang ika-121 taon ng Kal...
Nutracker
June 15, 2019
Noong nakaraang Hunyo 12, 2019 ipinagdiwang ng sambayanang Pilipino ang ika-121 taon ng Kalayaan ng Pilipinas.
Maaalala na sa iniwang talumpati ng papaalis na Pangulong Benigno C. Aquino III noong 2016 kanyang ipinagdiinan ang babala sa lahat ng mga mamamayan na "Bantayan po naitin ang ating kalayaan," na tila ba may pagbabantang muling mapasailalim ng Batas Militar ang bansa sa mga susunod na araw. Sa ilalim ng Duterte administration, ang Mindanao lamang naman ang isinailalim sa Batas Militar.
Pero ano nga ba ang tunay na kahulugan ng kalayaan? Sa literal na pag-unawa, malaya ang isang bansa (at ang mga mamamayan nito) kung walang ibang bansang nakakasakop dito, at pinatatakbo ng mga mamamayan dito ang kanilang gobyerno (mga lider na halal ng tao).
Sa ganitong konteksto, malaya nga ang Pilipinas. Ang sistema ng gobyerno ay batay sa demokrasya, na ang mga namumuno ay inihalal ng mga mamamayan mismo.
Tunay nga bang malaya ang mga Pilipino? Isinasaad ng Konstitusyon at ginagaratiyahan nito ang mga kalayaang dapat tamasahin ng bawat isa.
Kalayaan sa Pamamahayag.
Kalayaan mula sa Gutom at Kahirapan.
Kalayaang mamuhay nang mapayapa.
Kalayaang kumilos at gawin ang mga naisin.
Sa pamamahayag at sa kalayaang kumilos at gawin ang naisin, tila nga lumalabis pa ang karamihan sa mga Pinoy, lalo na ngayong nauso ang mga modernong teknolohiya sa pamamagitan ng tinatawag na social media.
Mamuhay nang mapayapa? Tila wala ng ligtas na lugar ngayon, kahit sa loob ng sariling tahanan.
Gutom at kahirapan? Ang milyon-milyong Pilipino ay alipin ng labis na kahirapan at pagkagutom. Tila nakalubog na sa kumunoy at bawa't galaw ay lalong nagbabaon sa walang katapusang kakapusan at pagdurusa.
Araw-araw, tatlo (3) sa bawa't sampong mahihirap na mahihirap ay nagpapakamatay dahil hindi na makayanan ang dinadalang bigat sa kanilang balikat.
Tunay nga ba tayong malaya? Iyan ang hamon sa susunod na gobyerno. Ipadama sa lahat ng Pilipino ang kaluwalhatian ng pagiging isang tunay na malaya.
Pero huwag kalimutan, ang bawa't kalayaan tulad ng karapatan ay may kaakibat na tungkulin.
KALAYAAN,
KARAPATAN,
TUNGKULIN.
Hindi lamang ang gobyerno, kundi ang lahat ng Pilipino, ang dapat na magbantay upang ang tatlong elementong iyan ng demokarasya ay buo at tunay na matamasa, ngayon at sa mga susunod pang henerasyon.