June 6, 2019 MALVAR, Batangas - Isinagawa ng Department of Health (DOH) Calabarzon ang province-wide orientation tungkol sa Universal Heal...
MALVAR, Batangas - Isinagawa ng Department of Health (DOH) Calabarzon ang province-wide orientation tungkol sa Universal Health Care sa Lima Park Hotel sa bayang ito noong ika-7 ng Mayo.
Katuwang ng DOH ang Center for Health Development 4A at Provincial Health Office (PHO) sa pagsasakatuparan ng gawaing ito na layong makabuo ng mga guidelines para maipatupad ang naturang batas.
“Ang lalawigan ng Batangas at Cavite ay kabilang sa 33 lalawigan sa buong bansa kung saan ipapatupad ang advance implementation site ng UHC Act. Inaayos natin ang foundation ng social preparation para sa UHC dahil ito na ang pagkakataon natin para baguhin ang health system na walang maiiwan at walang mag-iisip na malaki ang magagastos kapag nagkasakit,” ayon kay DOH Director Dr. Eduardo Janairo.
Aniya, hanggang sa kasalukuyan ay binubuo pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng UHC at ito ang dahilan kung bakit tinipon ang lahat ng mga stakeholders upang kung anuman ang mapagkasunduan ay maidokumento ito at masusing mapag-aralan ang mga ito.
Sa isinagawang konsultasyon na kasama ang mga mamumuno sa iba’t-ibang pampubliko at pribadong ospital nagkaroon ng malawak na diskusyon upang masolusyonan ang mga katanungan at isyu tulad ng pagkakaroon ng pagkaantala sa serbisyo, mabilisang implementasyon ng mga batas at polisiya na may kinalaman sa healthcare, pagpapanatili ng regular at tamang proseso o pamamaraan; long term goals para magkaroon ng mainstream health system at agarang serbisyong nararapat sa mga Pilipino.
Ayon pa kay Janairo, sa loob ng tatlong taon ay kailangang maipatupad na ang UHC upang hindi maligaw ang mga tao at maghanap ng serbisyong medikal mula sa pamahalaan.
Dagdag pa nito na kailangang mabuo ang Health Care Providers Network upang magkaroon ng samahan na magtataguyod at magpapatupad ng sistema sa mga pasyente at maging sa mga health care providers.
Isa sa nakikitang magandang idudulot ng pagkakaroon ng network ay ang pagkakaroon ng navigator na magbibigay kaalaman kung saan maaaring dalhin ang isang pasyente at anong ospital ang tumatanggap ng kundisyong meron ang pasyente. Kapag nagkaroon na ng health care providers network,magiging madali na ito at maiiwasan na ang pag-uulit ng mga laboratory tests at iba pang procedures kung kinakailangang ilipat ng ibang ospital ang isang pasyente.
Sa huli ay nanawagan si Janairo na tulungan silang maging “systematic” ang kanilang proseso upang mahanap ang mga “gaps” at maiba ang kinagisnang ugali at gawi ng mga doctor at pasyente. (BHABY P. DE CASTRO, PIA Batangas)