Editorial July 6, 2019 Wala pang pangulo ng ating bansang Filipinas o maging kahit anong bansa marahil sa buong mundo ang makakapagsabi...
July 6, 2019
Wala pang pangulo ng ating bansang Filipinas o maging kahit anong bansa marahil sa buong mundo ang makakapagsabi sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Konstitusyon ay katumbas lang bilang pampunas ng pwet.
Sinabi niya ito kaugnay ng mainit na usapin sa karagatan ng Filipinas, ang West Philippine Sea, na itinuturing na ‘exclusive economic zone’ ng bansa, ayon sa pasiya ng Arbitral Tribunal ng United Nations ngunit hindi tinatanggap at mahigpit na tinututulan ng bansang Tsina.
Ayon kay Duterte, kung igigiit niya ang Konstitusyon sa pagtatanggol sa ating karapatan sa naturang karagatan ay katumbas lang ito ng isang toilet paper o pampunas ng pwet dahil hindi ito kikilalanin ng Tsina.
Wala nang hihigit pa marahil sa pahayag ng isang pangulo ng bansa tungkol sa pinakasaligang batas na ito, na siyang pinakamataas na kasulatan ng diwa ng Filipino, ng kanyang kaluluwa, at ginagamit na sandigan sa panunumpa ng pinakamataas na pinuno ng bansa na nangangakong susundin ito at isasakatuparan para sa kabutihan at kapakanan ng taumbayan.
May hihigit pa ba sa pagbastos ng isang pangulo na sa halip na siyang manguna sa pagsunod at pagpatupad ng nilalaman nito ay siya pang nagtuturing na ito’y ‘pampunas lang ng pwet’?
Anong pinagdadaanan at anong pinaghuhugutan - alinsunod sa makabagong wika ng mga millennials - ng Pangulo ng ating bansang Filipinas at naipahayag niya ang gayun sa ating Konstitusyon?
Balewala na ba talaga para kay Pangulong Duterte ang itinatadhanang mga probisyon ng ating Konstitusyon tungkol sa ating karagatan dahil siya, ang kanyang pahayag, ay mas higit pa at makapangyarihan kaysa sa dokumentong batbat ng kasaysayan, at pinagtigisan ng utak at damdaming makabayan ng mga umakda nito noong 1987 at niratipikahan ng pagsang-ayon ng madlang Filipino?
O sadyang nakakompromiso na siya sa bansa ng mga Intsik kung kaya’t di na siya makapalag at pati Konstitusyon ay balewala na sa kanya – pampunas lang ng pwet - mapagbigyan lang ang bago niyang kaibigan na kanyang napapakinabangan?
No comments