July 13, 2019 Sa unang pribilehiyong pananalita na inilahad ni Ex-Oficio Councilor Patrick Norman Nadera sa pagsisimula ng ika-labing walo...
Sa unang pribilehiyong pananalita na inilahad ni Ex-Oficio Councilor Patrick Norman Nadera sa pagsisimula ng ika-labing walong Sangguniang Panlungsod, binigyang papuri nito ang mga manlalarong Lucenahin na nagwagi sa ginanap na Palarong Pambansa sa Davao kamakailan.
Bilang kinatawan aniya ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagiging SK Federation President, labis niyang ikinagalak ang muling pagbibigay karangalan ng mga manlalaro sa lungsod. Patunay na sa iba’t ibang larangan mapa akademiko man o pampalakasan ay nakikiisa ang mga Lucenahin upang mas malinang na rin ang kanilang mga angking kagalingan at kakayahan.
Kabilang sa mga manlalarong nagwagi ay sina Jules Mervien Mirandilla, Jordan Ken Lobos, John Neil Paderes at Johannes Marcus De Kam na nag-uwi ng tatlong ginto, tatlong pilak at siyam na tansong medalya mula sa larangan ng paglangoy.
Panalo din sina Dwayniel Revelar at Angeline Nina Alcala sa larong tennis na pawang tinanghal na gold medallist.
Upang itaas naman ang pinaka-popular na laro ng kalalakihan, nagtamo ng gintong medalya ang basketball star na si Cyrus Reniel Tolentino na sa kasabay na pagkakataon ay napasama rin sa tinatawag na mythical team.
Nakamit din ni John Lloyd Cauilan ang pagkapanalo sa Wushu competition habang si Rica Moreno naman sa larangan ng pagtakbo.
Tunay na inspirasyon naman ang ipinakita nina Noimy Marientes at Mariel Llanes na kapwa nabibilang sa Special Education Program ng kagawaran ng Edukasyon, dahilan sa ang mga nabanggit na atleta ay kamangha-manghang nag-uwi ng apat na ginto at isang tansong medalya.
Kaisa naman ng lokal na pamahalaan at ng SK federation, nagbigay mensahe si Nadera para sa mga manlalarong hindi pinalad na makakuha ng anumang pwesto sa patimpalak.
Binigyang pagpupugay din ni Nadera ang pagtitiyaga at pagpupursige ng naturang mga kabataan upang manalo, magmula sa puspusang pag-eensayo hanggang sa determinasyong ipinamalas sa kasagsagan ng kompetisyon bitbit ang suporta ng lungsod, kani-kanilang mga pamilya at tagapaggabay.
Buong pagmamalaking ibinalita rin ng konsehal na hindi lang sa lebel ng nasyunal maaring bumida ang mga Lucenahin kundi maging sa pandaigdigang kompetisyon.
Nakatakdang makipagtagisan sa bilis at kakayahan sa paglangoy sina Paredes, Lobos at Mirandilla sa gaganaping 11th ASEAN School Games sa Semarang Central Java, Indonesia na kung saan ay makakatunggali nila ang Thailand, Vietnam, Malaysia, Myanmar, Cambodia, Brunei Darussalam, Laos, Singapore at Indonesia.
Ang karangalang naiambag at maiaambag pa ng mga kabataan ay isang halimbawa na rin ng pagpapamalas ng pagmamahal sa bayan at magiging ambag nila sa ikauunlad pa ng lipunan. (PIO-Lucena/M.A. Minor)
No comments