by Ruel Orinday, PIA-Quezon July 27, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Isang blood leting activity ang pinangunahan ng Integrated Provinc...
PIA-Quezon
July 27, 2019
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Isang blood leting activity ang pinangunahan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) noong Hunyo 22 na isinagawa sa Quezon Convention Center dito sa lungsod.
Ayon kay IPHO- Quezon Provincial Blood Program Coordinator, Eleonor Jetomo layunin ng naturang aktibidad na makalikom ng 22,000 bag ng dugo bilang tugon sa malaking kakulangan ng supply ng dugo sa lalawigan.
Sa programang “Balikatan Unlimited with PIA” sa DWLC-Radyo Pilipinas Lucena City, sinabi ni Jetomo na ang pagdaraos ng bloodletting activity ay bahagi ng pagdiriwang ng National Blood Donors Month ngayong buwan ng Hulyo at nilalayon din nito na magkaroon ng mataas na koleksyon ng dugo ang lalawigan para sa mga pasyenteng mangangailangan.
“Sa ngayon ay mababa ang koleksyon ng dugo sa lalawigan ng Quezon kung kaya’t napapanahon ang pagsasagawa ng bloodletting activity kung kaya’t patuloy kaming nananawagan sa ating mga kababayan dito sa lalawigan ng Quezon na makiisa,” sabi pa ni Jetomo.
Katuwang ng Integrated Provincial Health Office sa pagdaraos ng bloodletting activity ang Mount Carmel Hospital, Quezon Medical Center, at ang Philippine National Red Cross- Quezon.
Samantala, nilinaw ni Jetomo na ang ibinabayad ng mga pasyente sa pagkuha ng dugo na P1,800.00 per bag ay para sa processing fee ng dugo na nalikom mula sa mga blood donors. (Ruel Orinday, PIA-Quezon)
No comments