July 13, 2019 LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sipag, determinasyon, pananalig sa Maykapal at tiwala sa sarili. Ito ang ipinamalas ng isang L...
LUNGSOD NG LUCENA, Quezon - Sipag, determinasyon, pananalig sa Maykapal at tiwala sa sarili.
Ito ang ipinamalas ng isang Lucenahin na kamakailan lang ay nagbigay ng karangalan sa lungsod sa larangan ng akademiko.
Sa paglabas ng listahan na naglalaman ng resulta ng mga nakapasa sa idinaos na Criminologist Licensure Examination ay isang masayang balita ang naipabatid sa mamamayang Lucenhin dahilan sa isang kababayan ang napasama sa Top 10 na may pinakamataas na iskor kumpara sa mahigit sa dalawampung libong sumailalim sa naturang pagsusulit.
Nanguna si John Bonrev Roi Rodas, dating mag-aaral ng Manuel S. Enverga University Foundation o MSEUF na kung saan ay nagtamo ng examination rating na 90.50 percent, mula sa pitong libong criminology graduates na nakapasa rin.
Sa naging panayam ng TV12 kay Rodas, inilahad nito ang kaniyang naging karanasan sa loob ng ilang taong pag-aaral sa kolehiyo, ilang buwang pagsusuri at ang pinakaaabangang pagsasailalim sa eksaminasyon.
Hindi aniya naging madali para sa kanya ang lahat lalo’t higit noong panahon na siya ay nag-aaral pa lamang sa kolehiyo.
Tulad ng ibang mag-aaral, nakaranas umano siya ng paghihirap sa pag-aaral partikular na sa aspeto ng pinansyal, na nag-udyok sa kanya upang piliing tumigil para makapagtrabaho.
Ngunit, dahil sa desidisong makatapos, matapos ang isang taon ay nagsumikap muli itong ipagpatuloy ang pag-aaral habang nagtatrabaho na tumagal sa loob ng tatlong taon.
Matapos naman niyang makamit ang toga at diploma ng pagtatapos noong Disyembre ng nakaraang taon, sumabak naman siya sa pagsusuri sa isang review center sa lungsod.
Ayon pa kay Rodas, sa loob ng tatlong buwan na pagrereview ay pinangarap na aniya niyang mapasama sa top. Malaking bagay naman ito dahil mas pinagpursigii umano niya ang pag-aaral at tiniyak na maiwasan ang anumang uri ng distractions.
Sa kasalukuyan, inaantay aniya niya ang ikalawang siklo ng recruitment ng kapulisan upang ipagpatuloy ang kaniyang pangarap na maging isang respetadong pulis.
Nagbigay payo naman ito sa mga susunod na sasabak sa CLE at sa kasalukuyang estudyante ng kursong Criminology, aniya mahalin lamang nito ang kanilang pag-aaral at ang anumang ginagawa para sa kanilang ikauunlad kasabay ng pagtitiwala sa sarili at sa Maykapal.
Bagama’t unang yugto pa lamang ito ng pagkamit ni Rodas sa rurok ng tagumpay, kaisa ng kaniyang paniniwala na “Rest if you must, but don’t you quit”, sa tulong aniya ng pagsusumikap at determinasyon, mararating at mararating ang anumang pinapangarap anumang pagsubok ang harapin sa buhay. (PIO-Lucena/M.A. Minor)
No comments