July 6, 2019 Mayor Roderick “Dondon” Alcala Dumalo bilang panauhing pandangal sa isinagawang inaugural session ng Sangguniang Panlung...
Mayor Roderick “Dondon” Alcala |
Dumalo bilang panauhing pandangal sa isinagawang inaugural session ng Sangguniang Panlungsod si Mayor Roderick “Dondon” Alcala.
Ang naturang sesyon ay ang umpisa rin ng pagbubukas ng ika-18 ng Sangguniang Panlungsod na kung saan ay nakumpleto ang mga inihalal na konsehales ng lungsod sa unang sesyon ng mga ito.
Tumayo bilang presiding officer sa nabanggit na sesyon si Senior Councilor Anacleto Alcala III dahilan sa hindi pagdalo ni Vice-Mayor Philip Castillo dahil sa personal nitong kadahilanan.
Dumalo rin sa nasabing okasyon ang ilang mga kapitan ng barangay, mga department heads at ilang mga miyembro ng media.
Sa naturang aktibidad, isa-isang nagbigay ng kani-kanilang inaugural speech ang mga muli at bagong nahalal na konsehal ng Lucena.
Kabilang sa mga muling nahalal na councilor sa grupo ng Team Bagong Lucena ay sina Ancaleto Alcala III, Atty. Sunshine Abcede-Llaga, at Manong Nick Pedro.
Binubuo naman ng mga nagbabalik na konsehal ay sina Engr. Danny Faller at Americo “Amer” Lacerna, habang ang mga baguhang konsehales ay sina Engr. Jose Christian Ona, ang anak ng dating konsehal William Noche na si Engr. Wilbert McKinley Noche, at ang anak ni dating kosnehal Benny Brizuela na si Benito “Baste” Brizuela.
Sa kanilang naging pananalita, binigyang pasasalamat nito ang lahat ng mga tumulong at sumuporta sa kanila upang maluklok bilang konsehal ng lungsod.
Samantala, sa naging talumpati naman ni Mayor Alcala, kaniyang binigyang pasasalamat ang lahat ng miyembro ng Sangguniang Panlungsod noong nakaraang ika-17 sesyon ng mga ito.
Ito aniya ay dahilan na rin sa ginawang pagsuporta ng mga ito sa lahat ng kaniyang mga programa at proyekto na isinagawa para sa mga mamamayan ng Lucena.
Bukod pa rin dito ang pagsusulong mga iba’t-ibang ordinansa na sadya namang nakatulong para sa mga Lucenahin.
Inihayag rin ng punong lungsod ang ilang mga proyektong sinuportahan ng mga miyembro ng SP tulad ng pagtatayo ng Lucena City Government Complex at ang bagong Public Market.
Gayundin ang nagpapatuloy na proyekto na pagtatayo ng bagong City Health office, Lucena Convention Center, at ang Lucena City Police Station, ang rehabilitasyon ng lumang City Hall at ang City Hall Annex na ngayon ay nasa pangangalaga ng Dalubhasaan ng Lungsod ng Lucena.
Dagdag pa ng alkalde, umaasa rin siya na sa panibagong sesyon na ito ng Sangguniang Panlungsod ay patuloy siyang susuportahan ng mga ito sa mga programa at proyektong ipagkakaloob sa mga Lucenahin.
Matapos ang isinagawang pananalita ni Mayor Alcala, nagkaroon ng maiksing break ang sesyon na kung saan ay nagpakuha ng larawan ang lahat ng miyembro ng SP kasama ang alkalde.
Ang pagdalo ni Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa nabanggit na aktibidad ay bilang pagpapakita nito ng paggalang at bilang pagpapasalamat na rin sa lahat ng mga nahalalal na konsehal sa pagsuporta at pagtulong ng mga ito sa kaniya at sa kaniyang liderato gayundin sa mga programa at proyektong kaniyang inihahatid para sa mga Lucenahin na tiyak namang napapakinabangan ng mga ito. (PIO Lucena/ R. Lim)
No comments