by Abbie Rose July 6, 2019 Gitna Mayor Ernida Reynoso, kanan Vice Mayor Manuel Victorio Maraig, kaliwa Judge Lourdes M. Castro hawak ang ...
July 6, 2019
Gitna Mayor Ernida Reynoso, kanan Vice Mayor Manuel Victorio Maraig, kaliwa Judge Lourdes M. Castro hawak ang katibayan ng Panunumpa ng Katungkulan. (ABBIE ROSE) |
TAYABAS CITY - Matapos ang mapayapa at malinis na halalang ginanap noong Mayo, dumating na ang panahon upang magsimula ang panunungkulan ng mga napiling mamumuno sa Lungsod ng Tayabas.
Ika-30 ng Hunyo, 2019, Linggo, nang magtipon-tipon ang mga nahalal sa Casa Comunidad de Tayabas upang manumpa sa kanilang tungkulin at opisyal na tanggapin ang mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang posisyon. Pinangunahan ni Judge Lourdes M. Castro ang panunumpa sa tungkulin ng mga nahalal na opisyal ng Lungsod ng Tayabas.
Bago pa man mag-alas-otso ng umaga, ay puno na ng tao ang Casa Comunidad de Tayabas para sa hinihintay na panunumpa ng mga naihalal na opisyal ng Tayabas noong Mayo 13. Kasabay nito ang idinaos na misa sa Basilica Minor NI San Miguel Arkanghel kung saan dumalo ang mga manunumpang opisyal kasama ang kani-kanilang pamilya.
Kasunod ng misa, ay ganap nang nagsimula ang palatuntunan ng panunumpa. Agad pinamunuan ni Judge Lordes M. Castro ang panunumpa. Sabay-sabay nanumpa sa tungkulin ang mga nahalal na konsehal, vice mayor at mayor.
Sa pambungad na pananalita ni Mayor Ernida Reynoso sinabi niya na malugod niyang tinatanggap ang hamon bilang punonglungsod na higit na mapaunlad ang bayan upang muling makapag-ambag ng kaalaman at kasanayan kasama ang mga opisyales ng pamahalaan, mga kawani, mga kababayan at ang patuloy na paggabay ng Poong Maykapal.
“Makakaasa po kayo at ang ating mga kababayan na tayo ay mananalig at tatalima sa ating sinumpaang tungkulin sapagkat tayo ang mga bago at muling nahalal, mula sa araw na ito hanggang sa huling araw ng ating panunungkulan. Sa ating mga kamay, pagkakaisa, pagtutulungan, nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan,” wika ng punonglungsod.
Sa panayam ng Sentinel Times Weekly, pinasalamatan ni Mayor Ernida Reynoso ang kaniyang mga kababayan sa pagtitiwalang ibinigay sa kanya sa ikalawang pagkakataon. Dagdag pa niya, na siya ay lubos na nalulugod sapagkat ang Vice Mayor at Sanggunian panglungsod ay kaisa niya sa pagsasakatuparan ng mga proyekto upang lalong mapaunlad ang Lungsod ng Tayabas.
Sinimulan ang Pulong Pasinaya sa pamamagitan ng isang roll call mula kina Vice Mayor Manuel Victorio Maraig. Kon. Dino Romero, Kon. Julius Jay Francia Luces, Kon. Sergio Cabriga Caagbay Jr, Kon. Jane Paula Absin Nadres, Kon. Farley Llave Abrigo, Kon. Luzviminda Valdez Cuadra, Kon. Precilia Glorioso, Kon. Mark Reo Daniel Jacela, Kon. Mercelita Cabriga Reyes, Kon. Felimon Valdoria Villanueva Jr. , Pang. ng Liga ng mga Barangay, Kon. Ricardo D. Queaño, Pang. ng Pederasyon ng Sangguniang Kabataan (SK), Kon. Art Christian B. Fontioso. Pimunuan ni Vice Mayor Manuel Victorio V. Maraig, Presiding Officer, ang paggiya at magbibigay direksiyon sa Sangguniang Panglungsod. Pinamunuan naman ni Kon. Sergio C. Caagbay Jr. ang pagbigkas ng Kredo ng mga Mambabatas. Kasunod nito ang previledged speeches ng mga nahalal na konsehal at vice mayor, sila ay lubos na nagpasalamat sa mga Tayabasing nagtiwala upang maluklok sila sa kanilang puwesto, kaalinsabay nito ang pag-isa-isa ng kanilang mga ninanais na proyektong pang-Tayabasin.
No comments