by Jay S. Lim July 27, 2019 Gng. Veromedia Robles na taga Sitio Capalos, Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon PAGBILAO, Quezon - ...
by Jay S. Lim
July 27, 2019
July 27, 2019
Gng. Veromedia Robles na taga Sitio Capalos, Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon |
PAGBILAO, Quezon - Kamakailan lamang noong ika-20 ng Hulyo nitong nakaraang sabado, inanyayahan ng mga taga Ilaya at Ibabang Polo ang Tanggol Kalikasan upang personal na makapanayam hinggil sa kanilang mga usapin at problemang pampamayanan. Ang nasabing panayam ay dinaluhan ng mga lider ng mangingisda ng samahang Bigkis-Lakas ng mga mangingisda sa Pagbilao at dumalo rin ang mga Kabataan at kababaihan sa nasabing gawain.
Nagsimula ang panayam sa pagpapakilanlan at bahaginan ng kanilang mga kalagayan sa pamayanan. Noong una masaya ang simula ng aming pagpupulong subalit sa kalaunan ay nabalot ito ng kalungkutan dahil sa usapin ng tubig sa kanilang pamayanan. Ayon sa pagbabahagi ni Gng. Veromedia Robles na taga Sitio Capalos, Barangay Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon. “Matagal na at mahigit na 20 taon na simula noong 1996 ng mangako ng tubig ang lokal na pamahalaan ng Pagbilao at pamunuan ng Coal Fired Power plant na noon po ay Hopewell ang unang pangalan, subalit nakakalungkot po naging Team Energy na ito at ilang Mayor na ang umupo wala pa rin pong nangyayari sa kanilang pangako kaya naman po sa kasulukayan ay patuloy pa rin po kaming pinaasa at pinaghihintay.”
Ayon naman kay Ginang Maraluna Malaluan na residente rin sa Brgy. Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon. “Sobrang sakripisyo po para sa amin ang kawalan ng malinis na tubig masaya pa po kami noong balon lang ang aming iniigiban o sinasalukan ng tubig noong panahong wala pa ang planta, dahil noon kahit papano may libre kaming maasahang tubig, pero simula po ng dumating ang planta nawala na ang tubig ng aming balon at kahit po tubig ulan ay hindi na namin mapakinabangan dahil madumi at maitim na. Kaya heto po kami ngayon umaasa sa supply ng tubig na binibenta ng 100 daan kada drum…na umaabot ng halos humigit pa sa tatlong libong pisong gastusin kada buwan. Sa halip sana na pambili na ng bigas ay kailangan pa rin naming bumili ng tubig. “ Dagdag naman ni Gng. Robles. “Noon po ang ulan dito pwedeng ipunin at ipaligo pero ngayon pag pinaligo mo magkakasakit ka dahil madumi na.”
Lubos nakakapagtaka ang kalagayan at sitwasyon na aming narinig mula sa mga taga Brgy. Ibabang Polo, Pagbilao, Quezon dahil hindi namin sukat akalain na ganon na ang kanilang kalagayan sa kasalukuyan, matapos ang halos dalwampo’t tatlong taong operasyon ng Coal Fired Power Plant sa kanilang lugar, na mayroon namang nakalaang pundo para sa kanilang Corporate Social Responsibility. Kaya naman sa aming palagay ay hindi ito hadlang upang mapako ang kanilang pangako sa mamamayan.
Ang mas nakakalungkot pa ay ang pangako ding napako ng mula mga nauna hanggang sa kasalukuyang lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Pagbilao na may regular namang pundong inilalaan ang planta kada taon.
Malaking tanong at nakakapagtakang hanggang sa ngayon ay bakit umaasa pa rin sa wala ang mga taga Ibabang Polo? Bakit ang mismo pang derektang apektado ng planta ang umaasa at hindi natutugunan ang pangangailangang serbisyong dapat ay ibinibigay ng pamahalaang lokal at ng Power plant?
Kaya naman, ayon kay Ka Dado Sartin pangulo ng Bigkis-Lakas Pagbilao na taga Brgy. Ibabang Polo. “Nanghihinawa na po kami sa mga pangako at pagpapaasa ng planta at ng lokal na pamahalaan, sana naman po ay makarating sa kanila na sana panindigan nila ang kanilang mga pangako, dahil ang malinis na tubig at hanap-buhay naman po ay aming Karapatan, dahil Karapatan din naman naming mabuhay.”
No comments