by Ace Fernandez at Lyndon Gonzales July 13, 2019 (gitna) P/COL. Ariza, (kanan) P/MAJOR Capistrano at (kaliwa) Lito Giron sa kapihan sa ...
by Ace Fernandez at Lyndon Gonzales
July 13, 2019
(gitna) P/COL. Ariza, (kanan) P/MAJOR Capistrano at (kaliwa) Lito Giron sa kapihan sa PIA. (Sentinel Times News Team) |
LUCENA CITY - Seryoso at hindi na bibigyan ng puwang ang mga drug pushers sa lungsod ng Lucena, ito ang mariing binitiwang salita ni P/Col. Reydante Ariza nang siya ay maging panauhin kamakailan sa Kapihan sa PIA, isang regular na programang isinasagawa ng Phil. Information Agency ng Quezon sa pamumuno ni G. Lito Giron.
Ayon sa hepe ng Lucena, karamihan ng krimen na nagaganap sa lungsod ay drug related at bumaba na umano ang bilang ng mga ito dahil sa kanilang ginagawang masigasig na kampanya laban sa iligal na droga.
Malaki umano ang naitulong ng mga mamamayan ng lungsod sa kanilang kampanya dahil kalimitan aniya ng mga inpormasyun na nakukuha nila ay mula sa kumunidad kung saan merong pusher at dito nga ay sinabi ng hepe na ang Barangay Anti-Drug Abuse Council o BADAC ay kailangang i-mobilized upang mas higit pang maging epektibo ang pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot.
Samantala, nang tanungin ng Sentinel Times si Ariza kung nakahanda na ang kapulisan sa banta ng terorismo sa lungsod ay tahasang sinabi nito na nakahanda ang hanay ng buong kapulisan sa lungsod upang pigilan ang sinumang nagbabalak na gumawa ng terorismo.
Kamakailan lamang ay kinumpirma ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Phil. na isang Pilipinong Muslim ang kasama sa 2 suicide bombers sa isang kampo ng militar sa Mindanao.
Sinabi pa ni Ariza na negative sa ngayon ang Lucena sa banta sa terrorism at tiniyak nya na maganda ang relasyun ng pulisya ng Lucena at ng Muslim community kasama ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Rhoderick ‘Dondon’ Alcala.
No comments