by Mamerta De Castro August 17, 2019 LUNGSOD NG BATANGAS - Isinusulong ng lokal na pamahaaan ng Taal ang pagtatayo ng Balisong Academy u...
August 17, 2019
LUNGSOD NG BATANGAS - Isinusulong ng lokal na pamahaaan ng Taal ang pagtatayo ng Balisong Academy upang isalba ang industriya ng paggawa ng balisong.
Sa panayam kay Mayor Fulgencio “Pong” Mercado, nagkaloob ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P1.5M upang makapagtayo ng Balisong Academy.
“Layon nitong matulungan ang mga taong walang trabaho lalong lalo na ang mga residente ng Brgy. Balisong at maging ang iba pang Taaleno. So ang ginawa namin, yung halagang P500M ay ipinagpatayo namin ng nasa 30-35 square meter na gusali sa Brgy. Balisong na siyang magsisilbing lugar sanayan ng mga nagnanais sumailalim sa pagsasanay. Ang natitirang pera naman ay ibinili namin ng mga equipment na siyang gagamitin para dito,” ani Mercado.
Dagdag pa ng punongbayan, natukoy na nila ang mga magsasanay dito at may apat hanggang anim na maggagawa ng balisong ang maaaring magsilbing tagasanay. Ito na rin lamang ang bilang ng mga natitirang magbabalisong sa kanilang bayan.
Aniya pa, kakaunti lamang ang interesadong sumailalim dito ngunit patuloy silang nanghihikayat ng mga Taaleno at iba pang Batangueno na interesado na magkaroon ng kaalaman na muling buhayin ito lalo pa at dito kilala ang kanilang bayan at maging ang Brgy. Balisong. Magbibigay ng libreng pamasahe,pagkain, uniporme, sertipiko ng pagtatapos at tutulungang makahanap ng merkado para dito.
Dahilan sa globalisasyon kaya’t nakita ng lokal na pamahalaan na humina ang industriya ng balisong sapagkat maraming pumasok na mura galing abroad ngunit ang kalidad ay hindi katulad ng gawang Taal.
Nakatakdang magsimula ang Balisong Academy sa Setyembre at tatagal ang pagsasanay ng mula 30-45 araw.
Matapos ang pagsasanay, tutulungan ng pamahalaang lokal ang nagtapos na makahanap ng mga grants tulad sa Department of Trade and Industry at Department of Science and Technology upang tulungan silang makakuha din ng merkadong maaaring pagdalhan ng kanilang magiging finished products bukod pa sa karagdagang puhunan at inobasyon. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS)
No comments