by Jay S. Lim Kasama ng Kalikasan August 3, 2019 Noong nakaraang artikulo po ay patungkol sa kakulangan sa tubig ang usaping naibahagi na...
Kasama ng Kalikasan
August 3, 2019
Noong nakaraang artikulo po ay patungkol sa kakulangan sa tubig ang usaping naibahagi namin sa inyo sa Brgy. Ibabang Polo, Pagbilao Quezon.
Tunay nga po bang problema dapat ang tubig sa Pagbilao?
Sa kabila ng dito matatagpuan ang Binahaan watershed na may 2 hanggang 5 kilometro lamang mula sa Maharlika Highway o sa Barangay Binahaan sa Pagbilao, Quezon. Ang Binahaan River Watershed Forest Reserve (BRWFR) ay paboritong lugar ng mga dumadayo ditong mga outdoor enthusiasts dahil sa angking kagandahan ng kalikasan nito at masasabing hitik din sa samu’t-saring buhay.
Ito ay 465-ektaryang forest reserve at proklamado bilang protected area sa ilalim ng Proclamation No. 735 noong Mayo 29, 1991.
Matatagpuan pa rin dito ang mga puno ng Apitong (Dipterocarpus grandiflorus), Bolong-eta (Diospyros pilosanthera), Lamio (Dracontamelon edule), Narra (Pterocarpus indicus) Whilte lauan (Shorea contorta), Dalingdingan (Hopea foxworthyi), Red lauan (Shorea negrosensis), Pagsahingin (Canarium asperum), Kamagong (Diospyros philippinensis), Bagtikan (Parashorea malaanonan), Mayapis (Shorea palosapis) at Almon (Shorea almon) at marami pang iba.
Sa BRWFR din matatagpuan ang mga ibon tulad ng Rufous coucal (Centropus unirufus), Philippine Forest kingfisher (Ceyx melanurus), Spotted wood kingfisher (Halcyon lindasyi), Luzon little crow (Corvus enca), Philippine turtle dove (Streptopelia bitourquata), Orioles (Oriolus Chinensis), hawk (Aviceda jergoni), Tarictic hornbill (Penelopides Panini), Brahminy kite (Hallastus Indus) at Rufous hornbill (Bucerous hydrocorax).
At ayon sa DENR batay sa kanilang pag-aaral sa lugar ay meron pa rin ditong mga local species tulad ng Philippine Monkey, Philippine Deer and Philippine Rind Rat, at syempre meron din ditong ahas tulad pit vipers, at iba pang reptiles tulad ng salamanders at monitor lizards.
Maulan dito mula Oktobre hanggang buwan ng Enero. Ang Annual rainfall averages dito ay umaabot sa 3,147.40 mm. at ang ang average temperature ranges dito ay tintayang 23.7ºC pag buwan ng Disyembre hanggang 29.0ºC tuwing Hunyo.
Ang Binahaan watershed ay hindi lang magandang ecotourism site, higit pa rito ito ay isang watershed na pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon para daang ektaryang palayan sa mga barangay na nasa paligid nito. Dito rin umaasa ng tubig ang pamayanan ng Pagbilao at mga karatig bayan nito.
Subalit nakakalungkot dahil sa talamak na ngayon dito ang pagkakaingin at iligal na pagputol ng mga puno na siyang nasaksihan ng Kasama ng Kalikasan ng minsan naming puntahan ito.
Kung mapapangalagaan lang ng tama ang Binahaan watershed at protected area hindi magiging salat at baka maging labis pa ito sa pangangailangan para sa buong bayan ng Pagbilao para pagkunan ng kanilang malinis na tubig para sa kanilang mga tahanan at maging ganon din sa iba pang mga bayang kalapit nito.
Ang Binahan watershed at ang ilog at mga talon mismo nito ay potensyal ding maging source o mapapagkunan ng malinis at pangmatagalang enerhiya o hydro power.
Sana hindi pa huli ang lahat...sana mas maprotektahan pa ito ng kinauukulan lalo na ang Kagawarang ng LIkas-Yaman at Kapaligiran o DENR at maging ang mismong lokal na pamahalaan bago pa tuluyang mawala at masalaula ito na iilan lang ang nakikinabang.
No comments