By Sentinel Times Staff August 17, 2019 Binabagtas ng parada ang kahabaan ng kalye Trece hawak ng Knights of Colombus ang malaking wat...
August 17, 2019
Binabagtas ng parada ang kahabaan ng kalye Trece hawak ng Knights of Colombus ang malaking watawat ng Pilipinas (Larawan ng Brgy. San Diego IV) |
TAYABAS CITY - Ika-13 ng Agosoto, 2019 sa ganap na ika 6:30 ng umaga ginanap ang parada mula sa Barangay Basketball Court ng Mateuna patungo sa kalye Trece hanggang makarating sa Simbahan ng Basilica Minor de San Miguel Archangel. Nilahukan ito ng mga piling mag-aaral, Liga ng mga Barangay, Armed Forces of the Philippines (AFP) Personnel, AFP tanks and trucks, Philippine National Police (PNP) Tayabas, Bureau of Fire Protection (BFP) Tayabas and Fire Trucks, Knights of Columbus at iba pang mga organisasyon. Isinagawa ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa Bell Tower ng simbahan bilang pasimula ng seremonya sa pagdiriwang ng Araw ng Tayabas.
Isinalaysay ni Annadel O. Gob, Guro III ng Tayabas West Central School III ang kasaysayan ng Araw ng Tayabas. Sinundan ito ng pagtatanghal ng sabayang pagbigkas na nilahukan ng mga piling mag-aaral sa ikalima at ika-anim na baitang mula sa nasabing paaralan.
Ayon kay Ernida A. Reynoso, punonglungsod ng Tayabas, sinabi niya na isang pagpapaalala na mahalin ang bayan gaya ng pagmamahal sa sarili, pangarapin ang kaginhawahan at maging instrumento ng pagbabago. Naniniwala rin ang punonglungsod na ang mga sumaksi sa pagtataas ng watawat noong Trece De Agosto, 1898 ay mga mamamayang nagmamahal sa bayan, na nangarap ng pagbabago at kaisa sa pagkamit ng kalayaan.
Sinabi ni Lt. Gen. Gilbert I. Gapay, AFP Commander, Southern Luzon Command (SOLCOM), panauhing tagapagsalita, na ang sakripisyo ng mga ninuno ay magsisilbing inspirasyon sa lahat na nagtatamasa ng kalayaan sa kasalukuyan. Ang henerasyon ngayon ay mananatiling kailanman ay may malaking utang na loob sa mga magigiting na bayaning nagtayo ng bandera ng Pilipinas. Kaya nararapat lang na bigyang pugay ang kanilang ipinamalas na pagpapagal at kabayanihan, kung kaya sa pamamagitan ng okasyong ito, hinihikayat ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, na isapuso ang tunay na diwa ng pagbabago tungo sa isang malaya, mapayapa, at maunlad na bayan.
“Hinihimok ko din ang bagong henerasyon na maging aktibo at makibahagi, patuloy na palawakin at palalimin ang pambansang kamalayan at pag-alabin ang pagiging makabayan upang patuloy na mapangalagaan ang kasarinlan ng ating baying sinilangan,” ani Gapay.
“Sa kasalukuyang panahon, tayong lahat ay nahaharap sa isang panibagong hamon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at paghamon sa pagsulong ng kaunlaran ng ating bayan. Sa pagtugon ng mga hamong ito, isaisip, isapuso, at isagawa lamang ang katapatan at kagalingan nina Gen. Malvar at ng ating mga ninuno. Sa pamamagitan nito, ako ay naniniwala na makakamit natin ang minimithing kapayapaan at kaunlaran dito sa ating bayan.”dagdag ni Gapay.
Sinundan ito ng palaro ng lahi sa hapon sa kalye Trece na binuo naman ng Sangguniang Kabataan (SK).
Sinabi ng Tuklas Tayabas Historical Society, Event Organizer ng Araw ng Tayabas na hindi naging madali ang paglalatag ng plano sa seguridad ng mga bisita ngunit ito ay maayos na naitawid dahil sa masusing paghahanda at pagtutulungan.
No comments